Home NATIONWIDE Pagpapabuti sa UHC Law isusulong ng senador

Pagpapabuti sa UHC Law isusulong ng senador

MANILA, Philippines – Nangako ang isang senador na isasaprayoridad nito ang pagpapabuti sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law sa paparating na 20th Congress.

Kasabay ng inspeksyon at press briefing sa Region 1 Medical Center nitong Huwebes, Hunyo 26, kinilala ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito ang mga pagkukulang sa pagpapatupad ng UHC Law na isinabatas noong 2019 ngunit naantala ng COVID-19 pandemic.

Aniya, ang batas, na nasa ikalimang taon na ng implementasyon, ay nangangalahati na sa 10-year program nito ay susuriin.

Sinabi pa ni Ejercito, principal sponsor ng UHC Law, na isasagawa ang masusing review upang matukoy ang mga kahinaan, pagkukulang at areas for improvement ng batas.

“We will assess, titignan ang weaknesses, titignan flaws, titignan pagkakamali, kung ano pa pwedeng improvement,” dagdag pa niya.

Kabilang sa kanyang mga pangamba sa implementasyon ng batas ay ang tungkulin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

“Maraming kinakailangang gawing reforms at isa na dito ang maipataas ang participation nila sa bawat billing ng ospital. Kailangan maramdaman ng mga mamamayan na ang gobyerno nandyan tuwing sila ay magkakasakit,” ani Ejercito.

Aminado ang senador na mayroon pang mga malalaking pangamba ang dapat na malampasan, ngunit umaasa na mapapabuti pa ang mga serbisyo ng Philhealth sa susunod na dalawa o tatlong taon.

Bagamat bumuti na ang mga coverage ng Philhealth katulad ng packages para sa kidney transplants, open-heart surgeries, at severe pneumonia, nangungunang layunin pa rin na mabawasan ang out-of-pocket expenses ng mga Filipino.

Ani Ejercito, isasagawa ang oversight hearing ng UHC Law sa Agosto na layong suriin ang implementasyon at pagkuha ng feedback sa mga stakeholder. RNT/JGC