Home NATIONWIDE Pamamahagi ng ayuda sa ‘Bagong Pilipinas’ rally nilinaw ng DSWD

Pamamahagi ng ayuda sa ‘Bagong Pilipinas’ rally nilinaw ng DSWD

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes, Pebrero 1 na ang distribusyon ng cash aid sa kasagsagan ng “Bagong Pilipinas” rally sa Maynila ay bahagi ng “Serbisyo Caravan.”

“Opo, may AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) po doon, namimigay po tayo sa mga mahihirap na pre-identified beneficiaries from the City of Manila. Nagkataon lang nandon ang payout pero it doesn’t mean na gagamitin ito for other purposes,” pahayag ni DSWD spokesperson Romel Lopez sa press briefing.

Aniya, nagbigay ng ayuda ang ahensya sa mga biktima ng sunog sa Maynila at ang payout ay hindi ginamit upang akitin ang mga tao na dumalo sa pagtitipon.

Ang AICS ay ang financial assistance program ng pamahalaan kung saan nagbibigay sila ng P1,000 hanggang P10,000 cash sa mga taong nangangailangan.

“Ang Serbisyo Fair po, sama samang aktibidad ng iba pang agencies para ilapit ang serbisyo sa mga mamamayan,” ani Lopez.

Dagdag pa niya, nagkaroon din ng mga booth sa event ang iba pang ahensyang may frontline services.

“Kung ganon, dapat din natin sitahin yung NBI (National Bureau of Investigation) clearance na available doon, yung PhilSys na nagpipicturan doon. It would be very unfair to DSWD if isi-single out tayo sa payout na yon,” dagdag pa niya.

Anang opisyal, nais lamang ng DSWD na suportahan ang ideya ng Bagong Pilipinas kung saan ang mga serbisyo ng pamahalaan ay “accessible to the public.”

“It’s part of the Serbisyo Caravan, aside from the entertainment and all. Mas masakit naman siguro kung puro sayawan lang tayo doon at walang partisipasyon ang inyong national government,” dagdag niya.

Matatandaan na ipinunto ng ilang grupo na ang AICS ay ginamit umano upang mangalap ng mga pirma para sa people’s initiative bukod pa sa pag-akit sa mga taong dumalo sa Bagong Pilipinas rally.

Ani Lopez, walang pondo ng publiko mula sa kanilang mga programa ang ginamit para sa people’s initiative na naglalayong amyendahan ang 1987 Constitution.

“Wala po ni isang kawani ng DSWD ang na-link o na-identify na involved dito,” ayon kay Lopez.

“Wala talagang salapi ang DSWD o salapi ng taumbayan na magagamit sa PI,” pagtatapos niya. RNT/JGC

Previous articlePebrero 12 idineklarang National Voter’s Day
Next articleMicroplastics nakita sa mga bangus sa Agusan