NUEVA ECIJA, Philippines – Bilang pagpapatuloy ng pagsuporta sa mga sektor na higit na nangangailangan, personal na pinangasiwaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes ang pamamahagi ng tig-10 kilo ng bigas sa 100 tindero na may maliit na puhunan sa Palayan City, Nueva Ecija.
Sa naturang aktibidad, naglaan din ng oras ang Pangulo upang makipag-ugnayan sa mga benepisyaryo na labis ang tuwa sa kanyang pagbisita.
Sa isang panayam, sinabi ni Palayan City Mayor Viandrei Nicole Cuevas na ang ipinamigay na bigas ay nagmula sa Local Government Support Fund-Growth Equity Fund (LGSF-GEF) na inilaan ng national government sa mga lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga nahuhuling LGU sa pagpapatupad ng kanilang mga programa.
“Mandato ng Pangulo na maglaan ng P5 milyon mula sa pondo para sa pagbili ng bigas upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na sa gitna ng tumataas na gastusin,” ani Cuevas.
Pinuri rin ni Cuevas ang administrasyon sa pagpapabilis ng proseso ng LGSF na aniya ay nakatulong nang malaki sa procurement dahil nabawasan ang red tape at burukrasya kaya mas naging epektibo at episyente ang pagpapatupad ng mga proyekto.
“To our President, maraming, maraming salamat po.Unang-una sa pagtitiwala sa LGUs na i-implement ‘yung programa na ito ay isang malaki at mahalagang programa para sa mga Palayano,” aniya pa rin.
“It’s already making such a big difference in how, you know, in the speed that we conduct the programs, Hindi na po kailangang maghintay,” dagdag ni Cuevas.
Binanggit din ni Cuevas ang planong palawakin ang rice program na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 11,000 Pilipino.
Matapos ang pamamahagi, binisita rin ng Pangulo ang mga Kadiwa store na nag-aalok ng abot-kayang produktong agrikultural at iba pang pangunahing bilihin para sa mga Pilipino, lalo na sa mga senior citizen, solo parent, persons with disabilities (PWDs), at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Nakipagpulong din ang Pangulo sa 19 na kapitan ng barangay sa Palayan City.
Bawat isa sa kanila ay tatanggap ng tig-PhP200,000 mula sa Office of the President sa ilalim ng Socio-Civic project funds upang suportahan ang mga estudyanteng nangangailangan at tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng komunidad. (KRIS JOSE)