MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Commission on Elections (Comelec) kung may kinalaman sa paparating na eleksyon ang pamamaril sa Datu Piang, Maguindanao del Sur na ikinasugat ng isang kandidato.
“Iniimbestigahan pa sa kasalukuyan pero…any violence sa kasalukuyan patungkol sa isang kumakandidato o sa isang incumbent na kumakandidato ay palaging sinu-suspect natin as election-related violence,” pahayag ni Comelec chairperson George Erwin Garcia nitong Martes, Pebrero 25.
Nitong Lunes ay binaril si Datu Piang, Maguindanao del Sur Vice Mayor Datu Omar Samama, habang nagbibigay ng speech. Si Samama ay tatakbo bilang vice mayor sa paparating na halalan sa Mayo.
Ani Garcia, inaasahan ng Comelec na tataas pa ang bilang ng mga lugar na ikokonsidera bilang election hotspots habang papalapit ang May 12 elections.
“Ang mga areas na katulad niyan na may karahasan, pupuwedeng makonsider na namin na mapag-aralan kung malalagay sa Comelec control,” dagdag pa niya.
Noong Enero, inilagay ng Comelec ang nasa 38 areas of concern sa ilalim ng ‘red category.’ Kabilang dito ang bayan ng Datu Piang. RNT/JGC