Home OPINION PAMBU-BULLY KINUKUNSINTE NG ICCS

PAMBU-BULLY KINUKUNSINTE NG ICCS

HINDI dapat itolerate ang pambu-bully sa mga paaralan.

Ang Department of Education ay sumusuporta sa anti-bullying kaya nagpalabas ng policies and guidelines upang maprotektahan ang mga estudyante mula sa pang-aabuso, eksploytasyon at mga katulad nito mula sa kapwa estudyante, mga guro at iba pang opisyales ng paaralan.

Itinuturing na pang-aabuso ang nakasasakit sa damdaming pananalita, pisikal at emosyonal na pananakit.

Ito ang dapat mabatid ng pamunuan ng Immaculate Conception Cathedral School sa Cubao, Quezon City.

Sa reklamo ng isang ina na dati-rati ay may dalawang anak na nag-aaral sa nasabing paaralan, hindi binibigyang pansin ng mga guro at namumuno sa paaralan ang pambubully sa kanyang anak ng mga kaklase nito.

Kung ano-anong masasakit at hindi angkop na salita ang itinatawag ng mga kaklase sa kanyang anak at nang ireklamo niya, ang sagot lang ng adviser na si G. Carlos Miguel Lu ay nagbibiro lang ang batang tumatawag sa anak niya ng mga salitang nakasasakit sa damdamin lalo ng isang ina.

Tawagin ba naman ang anak niya na “tolongges” at “Limpork” dahil malaki ang anak niya bukod pa sa apelyido na malapit sa itinutuksong masakit na salita.

Kung tutuusin, dapat ay itinuturo sa nasabing paaralan ang mga magagandang asal at hindi pambubully. Sabihin na nating hindi itinuturo pero hindi rin naman iwinawasto ng mga guro.

Dapat ay aksyunan ito ng principal ng ICCS na si Teresa Sandoval dahil hindi nga nagpapakakuba ang isang inang katulad nitong nagrereklamo na magtrabaho para lang mapag-aral ang kanyang anak sa inakala niyang magandang eskwelahan na may napakataas na matrikula.

Sabi nga nitong nagrereklamong ina ng estudyante, baka nga mali siya sa ekspektasyon sa paaralan. Inakala niyang maganda pero hindi pala maganda dahil ang mga guro at iba pang namamahala ay tinotolerate o binabale wala ang pambubully sa kanilang paaralan.

Ang isang anak nitong nagrereklamo hanggang nakagraduate na lang ay hindi man lang inaksyunan ng paaralan ang pambubully sa bata. Hindi naman niya nailipat itong anak na ngayon ay siyang binubully ng mga kaklase dahil nasa 3rd year na.

Sabi nga ng DepEd, sa paglaban sa pambu-bully, nakasaad na lahat ng insidente ay dapat iulat sa pinuno ng paaralan, pagpapaalam sa mga magulang ng mga batang sangkot at pakikipagpulong, pagsasailalim sa mga bata sa guidance counseling, at pagbibigay ng “non-punitive o punitive measures” depende sa sitwasyon.

Pero sa ICCS walang ganitong ginagawa ang pamunuan at hinahayaan na lang na ang kanilang mga estudyante na biktima ng bullying ay dalhin ang trauma hanggang sa makalayas sa nasabing paaralan.

Sana, imbestigahan ito ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Sonny Angara.