
MULING nagpa-alala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa lahat ng mga bangko sa bansa sa pagsunod sa mga kautusan ng BSP Circular No. 829 na inilabas noong 2014 hinggil sa pagtanggap ng mga “unfit” o “mutilated” na pera mula sa publiko.
Ayon sa circular, ang mga perang papel, maging ito man ay paper banknotes o polymer, ay itinuturing na unfit kung ito ay marumi, madungis, malambot, may mantsa, may kupas na imprenta, o may nakasulat na marka. Samantala, ang isang perang papel ay maituturing na mutilated kung ito ay sira o napinsala dahil sa pagkasunog, pagkakapunit, butas, o may kulang na bahagi dulot ng insekto, kemikal, matinding init, o iba pang dahilan.
Habang ang mga barya ay ituturing na unfit kung ito ay baluktot, baliko, may marka, o kinakalawang, subalit ang denominasyon nito ay maaari pang makilala. Gayunpaman, ang mga baryang mutilated ay hindi na matukoy ang pagiging totoo o ang tamang denominasyon nito dahil sa matinding pinsala.
Ang mga perang unfit ay hindi na dapat muling ibalik sa sirkulasyon ngunit maaaring ipapalit o ideposito sa anomang bangko.
Inatasan naman ang mga bangko na tanggapin ang mga perang mutilated para sa “pagsusuri o pagpapadala” sa alinmang sangay ng BSP upang matukoy ang halaga ng maaaring matubos.
Gayunpaman, nakasaad din sa nasabing circular na ang pagpapalit o pagtubos ng unfit o mutilated na perang papel o barya ay hindi maaaring gawin sa mga sumusunod na kondisyon:
– Kung hindi na matukoy ang pagkakakilanlan ng perang papel o barya;
– Kung ang barya ay may palatandaan ng pagkatabas, pagkatapyas, o may butas;
– Kung ang perang papel ay nawalan ng higit sa dalawang-limang bahagi (2/5) ng kabuuang sukat o nawalan ng lahat ng lagda;
– Kung ang perang papel ay napunit sa gitna at ang isang bahagi, harap o likod ay nawala; at
– Kung ang perang papel ay nawalan ng Embedded Security Thread o Windowed Security Thread, maliban na lamang kung ito ay nasira dahil sa normal na pagkasira, hindi sinasadyang pagkasunog, pagkababad sa tubig o kemikal, o kinain ng daga, insekto, at iba pang kahalintulad na dahilan
Paglilinaw rin ng BSP na ang pagpapalit ng unfit na pera para sa malinis at maayos na salapi ay walang bayad.
Hinihikayat din ang publiko na gamitin at panatilihin sa sirkulasyon ang mga malilinis at maayos na pera bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang integridad ng pambansang salapi, na sumasalamin sa katatagan ng ekonomiya at tiwala ng bansa.
Sa nakalap na datus ng ConnecTV, may 4.3 billion na salaping papel na may halagang Php 1.8 trillion ang umiikot sa sirkulasyon sa buong bansa, habang may 36 billion piraso ng mga salaping barya o may halagang Php 49.7 billion.