Home TOP STORIES Pamilya Discaya ‘di sangkot sa ghost project sa Mindoro – abogado

Pamilya Discaya ‘di sangkot sa ghost project sa Mindoro – abogado

124
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng pamilya Discaya na wala silang kinasasangkutang ghost projects sa Mindoro kasunod ng mga lumabas na alegasyon.

Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ng kanilang tagapagsalita at legal counsel na si Atty. Cornelio Samaniego III na natapos at maayos ang flood mitigating project sa Mag-asawang Tubig River sa Naujan, batay sa mga certification mula sa lokal na pamahalaan at municipal assessor.

Paliwanag niya walang ibang nagkamali sa mga coordinates ng proyekto kundi ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil mali ang lokasyon na kanilang itinuturing kumpara sa mismong proyekto na kanilang ginawa.

Dagdag pa ni Samaniego, handa ang mag-asawang Curlee at Sara Discaya na pangalanan ang mga opisyal ng nakaraang Duterte administration na sangkot umano sa anomalya sa flood control projects, kung ito ay hihingin ng Senado o Kongreso.

Aniya, hindi “selective memory” ang kanyang mga kliyente dahil nakatuon lamang ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee at Infracom mula Hulyo 2022 hanggang kasalukuyan.

Kaugnay nito nanindigan din si Samaniego na may sapat na ebidensya ang kanyang mga kliyente upang patunayan ang umano’y pagtanggap ng SOP ng ilang opisyal mula sa mga construction companies na pagmamay-ari ng pamilya Discaya.

“We will have our days in court,” ayon kay Samaniego.

Iginiit pa nito na sa huli ay korte ang magpapasya at “dokumento laban sa dokumento” ang magiging batayan ng katotohanan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here