MANILA, Philippines – Hindi makikipag-areglo ang pamilya ng binaril na 65-anyos na family driver sa road rage incident sa Makati City noong Martes.
Sa panayam ng ABSCBN News ay hindi napigilan na maglabas ng sama ng loob ng anak ng biktima matapos na sabihin ng suspek na si Gerrard Raymund Yu na huwag itong husgahan ng publiko dahil siya ay mabuting tao daw.
“Demonyo na talaga utak niya, matapos niyang pinatay ang papa [ko tapos] sasabihin niyang maayos siyang tao,” pahayag ng anak ng biktima.
Matatandaan na nasawi si Aniceto Mateo matapos barilin ni Yu na nagmamaneho ng isang itim na Mercedez Benz na umano ay nakagitgitan malapit sa EDSA-Ayala Tunnel.
Nitong Biyernes, Mayo 31 ay pormal nang sinampahan ng kaso sa piskalya ang suspek.
Ayon sa PNP, may sapat na ebidensya na nagtuturo sa suspek na siyang bumaril dahil nagpositibo ito sa gun powder residue at nag-match ang basyo ng bala at baril nito sa ballistic examination.
“Itutuloy ko kahit anong mangyare mabulok lang sa bilangguan ang tao na iyan, para walang silbi ang ipinagmamalaki niyang pera niya pa, malapit na ang katarungan mo malapit na nating maayos lahat magiging mas masaya ka sa pagpanaw mo pa,” ayon pa sa anak ng biktima. RNT/JGC