Home NATIONWIDE 33 patay sa heatwave sa India

33 patay sa heatwave sa India

INDIA – Patay ang 33 katao, kabilang ang ilang election officials na naka-duty, sa hinihinalang heatstroke dulot ng heatwave na nananalasa sa mga estado ng Bihar, Uttar Pradesh at Odisha sa India nitong Biyernes, Mayo 31.

Ang India ay nakararanas ng matinding init ng panahon kung saan naitala ang temperaturang 52.9 degrees Celsius sa New Delhi ngayong linggo.

Bagama’t inaasahang bababa na ang temperatura sa northwestern at central India sa mga susunod na linggo, posibleng magpatuloy pa ang heatwave sa east India sa susunod na dalawang araw, ayon sa India Meteorological Department (IMD).

Labing-apat katao ang nasawi sa Bihar nitong Huwebes, kabilang 10 katao na kabilang sa pag-oorganisa ng seven-phase national elections.

Karamihan sa election officials ay karaniwang nakatayo maghapon sa kanilang duty at marami ay nasa labas.

Bumoto na sa final round ng polling ang ilang bahagi ng Bihar.

Samantala, sa Uttar Pradesh ay mayroon ding siyam na election personnel kabilang ang security persons, ang nasawi dahil sa heatwave.

“They had high-grade fever when they were brought in. It could be because of heatstroke as well. We are currently treating at least 23 people brought in from election duty,” ani R B Kamal, principal ng medical college kung saan ginamot ang mga tauhan.

Nakapagtala rin ng 10 namatay sa Rourkela region nitong Huwebes. Tatlo naman ang nasawi sa hinihinalang heatstroke sa Jharkhand state. RNT/JGC