MANILA, Philippines- Magbibigay ng tulong ang Philippine Coast Guard para sa pamilyang naiwan ng kanilang mga tauhan, na kabilang sa 10 nasawi sa SCTEX crash sa Tarlac noong Huwebes.
Ayon sa PCG, kabilang si Seawoman 1 Diane Janica Alinas at kanyang asawa sa mga nasawi sa karambola ng mga sasakyan sa Tarlac City Toll Plaza.
Umalis sila kasama ang kanilang dalawang taong gulang na anak na kabilang sa nakaligtas.
Sinabi ni PCG Commandant Ronni Gil Gavan na magbibigay sila sa pamilya ng P250,000 financial assistance bukod pa sa parangal para sa kanyang pagseserbisyo sa PCG.
Inatasan na ng Department of Transportation (DOTr) ang Land Transportation Franchising nad Regulatory Board (LTFRB) na suspindihin ang operasyon ng Solid North Transit Inc.dahil sa insidente.
Inatasan din ang Passenger Accident Management and Insurance Agency na agad iproseso at ilabas ang insurance claims para sa mga biktima.
Sinabi ng LTFRB na ang maximum insurance coverage ay P400,000 para sa bawat pasahero ng bus na naaksidente.
Isinasaalang-alang din ng DOTR ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa driver ng bus at Pangasinan Solid North Transit Inc. Jocelyn Tabangcura-Domenden