Home METRO Pamilyang pupunta sa lamay naaksidente sa motor; mag-ate patay, ina kritikal

Pamilyang pupunta sa lamay naaksidente sa motor; mag-ate patay, ina kritikal

CEBU CITY- Patay ang dalawang batang magkapatid habang kritikal ang 34-anyos nilang ina sa aksidente sa motorsiklo sa Barangay Sinsin sa lungsod na ito nitong Huwebes.

Patungo ang pamilya sa lamay sa Talisay City nang masangkot sa aksidente sa Sitio Nangka lampas alas-9 ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Kathleen Pardillo, 12, at siyam na taong gulang niyang kapatid na si Yuhan. Nasa kritikal na kondisyon naman ang kanilang ina na si Cherry Fe, base sa mga pulis.

Samantala, sugatan ang asawa ni Cherry Fe na si Herman, 47, at isa pa nilang anak na si Catriona, limang taong gulang.

Ayon sa mga pulis, minamaneho ni Hernan ang motorsiklo habang angkas ang asawa at tatlong anak.

Sinabi ni Police Capt. Joel dela Cerna na binabaybay ni Hernan ang pababang bahagi ng kalsada nang pumalya ang preno ng motorsiklo.

Nawalan ng kontrol si Hernan sa mortorsiklo na bumulusok sa kanal dahilan upang tumilapon ang pamilya.

Idineklarang patay sina Kathleen at Yuhan sa Talisay City District Hospital kung saan ginagamot sina Hernan at Catriona.

Inilipat naman si Cherry Fe sa Vicente Sotto Memorial Medical Center dahil sa kritikal nitong kondisyon.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may naganap na aksidente sa lugar. “It is an accident-prone area. It’s very downhill and several motorists had common complaints that the brakes of their vehicles would malfunction when negotiating in that place,” wika ni Dela Cerna. RNT/SA