Home METRO Wanted NPA leader sumuko sa NegOcc

Wanted NPA leader sumuko sa NegOcc

BACOLOD CITY- Sumuko sa mga pulis ang isang wanted na pinuno ng New People’s Army (NPA) sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental noong Hulyo 1.

Sinabi ni Police Capt. Ignacio Javier, deputy chief ng Don Salvador Benedicto Municipal Police Station, ilang taon ang itinagal ng negosasyon nila para sa pagsuko ng 29-anyos na komunistang rebelde na hindi pinangalanan.

Natukoy ang surrenderer na vice commanding officer ng nabuwag na North Negros Front (NNF) ng Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, Siquijor (KR-NCBS) sa Don Salvador Benedicto, Toboso, at Calatrava.

Samung taon siyang naging miyembro ng NPA bago magdesisyong magbalik-loob sa pamahalaan.

Itinurn-over niya ang homemade .357 revolver, limang .357 rounds, apat na 40mm ammunition, at dalawang metrong detonating cord. 

Nasilbihan na siya ng warrants of arrest para sa iba’t ibang krimen habang kasapi pa siya ng NPA.

Ani Javier, isinailalim ang surrenderer sa kustodiya ng kapulisan habang gumugulong ang assessment para sa pag-avail niya ng tulong mula sa mga programa ng pamahalaan. RNT/SA