Home NATIONWIDE Pampanga Housing Project ininspeksyon ni PBBM

Pampanga Housing Project ininspeksyon ni PBBM

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-inspeksyon sa housing project sa San Fernando, Pampanga.

Muling iginiit at tiniyak ang commitment ng administrasyon na tugunan ang housing backlog sa bansa para sa kapakinabangan ng mga ordinaryong mamamayan.

Sa isinagawang pag-inspeksyon sa Crystal Peak States project, nagalak ang Pangulo sa sabay-sabay na paglulunsad ng government housing projects sa lalawigan sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program na aniya’y isa sa mga prayoridad ng administrasyon.

“Layunin po ng programang ito na magpatayo ng mga pabahay na malapit sa mga mahahalagang pasilidad na kinakailangan para sa mas produktibong pamumuhay,” ayon sa Pangulo sabay sabing layon nito na makapagpatayo ng isang milyong bahay kada taon hanggang sa magtapos ang termino ni Pangulong Marcos.

“Maraming pamilyang Pilipino ang siguradong makikinabang sa mga komportable, abot-kaya, at ligtas na pabahay na ito,” aniya pa rin.

Winika pa ng Chief Executive na ang national government ay nakikipagtulungan na sa local government units (LGUs) sa bansa mula Luzon hanggang Visayas at Mindanao — para matamo ang housing target ng pamahalaan.

Pinasalamatan naman ng Pangulo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), San Fernando City government, at Social Housing Finance Corp. (SFHC) para sa mabilis na proyekto.

“Magtulungan po tayo. Pairalin natin ang bayanihan sa lahat ng oras. Ito ang susi sa sama-sama nating pag-ahon mula sa pagsubok na ating kinahaharap,” anito.

Samantala, pinangunahan naman ng DHSUD ang implementasyon ng Pambansang Pabahay, naglalayon na tugunan ang 6.5 milyon na housing backlog sa bansa.

Sa kasalukuyan, ang DHSUD ay lumagda na ng mahigit sa 150 memoranda of understanding (MOU) sa ilalim ng programa, na isinagawa sa 28 lokasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kris Jose

Previous articleJoey, tinawag na ‘tesbun’ si Pauleen!
Next article5 persons of interest sa pamamaril sa Remate photog tukoy na