Home NATIONWIDE Pamunuan ng BARMM nasa MILF pa rin — Speaker Yacob

Pamunuan ng BARMM nasa MILF pa rin — Speaker Yacob

268
0

COTABATO – Mariing inihayag ni Bangsamoro Transition Authority parliament Speaker Mohammad Yacob na nananatili pa ring nasa pamumuno ng Moro Islamic Liberation Front ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao alinsunod sa mga pangunahing prinsipyo ng pagkakatatag nito at sa mga probisyon ng Bangsamoro Organic Law.

Nilinaw ni Yacob na walang katotohanan at mapanlinlang ang mga balitang kumakalat sa social media na nagsasabing kinuha umano ng pambansang pamahalaan ang pamumuno sa rehiyon.

Binigyang-diin din ng nasabing opisyal na nanatiling hawak ng MILF ang karamihan sa mga posisyon ng Bangsamoro government at sa parliyamento ng BTA.

Ayon sa BOL, ang MILF dapat ang pansamantalang mamuno sa Bangsamoro government habang nasa transition period pa ang lalawigan hanggang sa maisagawa ang kauna-unahang regular na halalan sa rehiyon.

Ang ganitong istruktura ng pamumuno ay isa lamang sa mahalagang bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na tumapos sa ilang dekadang armadong tunggalian.

Ito rin ang nagbigay sa MILF ng mandato na pamunuan ang bagong rehiyon tungo sa tunay na kapayapaan, katatagan at sariling pamamahala.

Ipinunto rin ni Yacob na patuloy ang buong suporta ng pambansang pamahalaan sa kasalukuyang kaayusan at sa pagpapatupad ng proseso ng kapayapaan at awtonomiya ng rehiyon.

Nanawagan siya sa publiko na huwag magpalinlang sa mga maling impormasyon na maaaring makasira sa integridad ng transisyon at sa tiwalang nabuo sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng MILF.

Matatandaang tiniyak mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dedikasyon ng kanyang administrasyon sa kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro.

“Ang mas matatag na BARMM ay nangangahulugang mas matatag na Mindanao. Ang mas matatag na Mindanao ay mas matatag na Pilipinas, na maglalapit sa atin sa pagtamo ng ating mga layunin,” sabi ng pangulo.

Sa ilalim ng direktiba ng Pangulo, kinumpirma naman

ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. ang patuloy na pakipagtulungan at suporta ng pambansang pamahalaan sa BARMM.

“Patuloy na nakikiisa at sumusuporta ang pambansang pamahalaan sa mga pagsisikap ng rehiyon sa panahon ng transisyon, at inaasahan naming mas lalalim pa ang kooperasyon upang mapabuti ang kabuhayan ng ating mga kababayan sa Bangsamoro,” saad ni Lagdameo.

Ang BTA ang nagsisilbing pansamantalang pamahalaan ng BARMM sa ilalim ng pamumuno ng MILF hanggang sa maisagawa ang unang regular na halalan sa rehiyon o ang BARMM Paliamentary Elections (BPE).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here