
INAPRUBAHAN ng National Economic and Development Authority o NEDA board na pinamumunuan mismo ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. kaya nakatakdang ilunsad ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang isang proyekto para sa katatagan ng mga pamayanan na tinatawag na “Panahon ng Pagkilos Philippine Community Resilience Project” na pinaglaanan ng pondong Php 56.7 bilyon.
Target ng proyekto na matulungan ang humigit kumulang 4.13 milyon na kabahayan mula sa 500 na mga pinakamahihirap na munisipalidad sa bansa sa 49 na lalawigan sa 16 na rehiyon ng bansa.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang programa ay ang kasunod sa matagumpay na Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS ng kagawaran na sinimulan noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Kung sa KALAHI-CIDSS ay nabigyan ng akses ang mga komunidad sa batayang serbisyo, layunin naman ng “Panahon ng Pagkilos PCRP” na itaguyod ang kakayahan ng mga pamayanan na makabangon at maging matatag sa gitna ng krisis.
Dagdag paliwanag ng kalihim, nakatuon ang pansin ng proyekto sa pagpapalakas ng mga mekanismong nakabatay sa pamayanan upang tugunan ang mga bagong panganib tulad ng sakuna sa kapaligiran, biglaang pagbabago sa ekonomiya, at kahinaang pangkalusugan.
Tututok ang “Panahon ng Pagkilos PCRP” sa mga bayang may pinakamataas na antas ng kahirapan at haharap sa mga panganib sa ekonomiya at kapaligiran tulad ng tagtuyot, init, pagbaha, at landslide. Bibigyang-priyoridad din nito ang kalusugan at nutrisyon ng mga bata, at ang pagbibigay ng inklusibong tulong sa mga Katutubong pamayanan.
Ang proyekto ay inaasahang magsisimula ngayong taon 2025 hanggang 2030.
“Kami ay nasasabik na ipagpatuloy ang aming trabaho gamit ang Community-Driven Development (CDD) approach, na nakagawa na ng positibong epekto sa Filipino community,” sabi ni Director Bernadette Mapue-Joaquin ng KALAHI-CIDSS National Program Management Office.
Matapos ang kumpirmasyon mula sa NEDA Board, sisimulan na ng DSWD ang pagproseso ng mga kinakailangan para sa loan agreement signing para sa pagpapatupad ng proyekto.