Home NATIONWIDE BI nagpaalala sa mga biyahero ngayong Semana Santa

BI nagpaalala sa mga biyahero ngayong Semana Santa

MANILA, Philippines – Hinimok ng Bureau of Immigration (BI) na maagang magtungo sa paliparan ang mga manlalakbay bago ang nakatakda nilang flight.

Ang paalala ay ginawa ni BI spokesperson Dana Sandoval sa Meet the Press forum sa harap ng preparasyon ng Mahal na Araw.

Ayon kay Sandoval, dapat nasa paliparan na tatlong oras bago ang flight upang maiwasan ang pagsisikip at masiguro ang mas maayos na biyahe.

“Ang reminder lang natin sa magbabyahe sa mga susunod na araw is to arrive early at the airport. Three hours before, mag check-in na po tayo and dirediretso na tayo sa immigration area up until the boarding gate,” sabi ng BI spox.

“Kasi napapansin natin yung mga inaabot ng crunch time doon sa mga paliparan, yung iba po nagmemeryenda muna pagkatapos ng check-in, nagmamasyal-masyal,” dagdag niya.

Inaasahan naman ng BI ang pagbuhos ng pasahero sa paliparan dahil sa mahabang weekend sa susunod na linggo.

“Ngayon pong peak season, expected natin na marami talagang tao. We hope that right after check-in, we go straight directly to immigration and to the boarding gate para maging comfortable ang ating byahe,” mariing paalala niya. Jocelyn Tabangcura-Domenden