Home NATIONWIDE 2 kargadong ‘motornapper’ timbog sa mga rumurondang parak

2 kargadong ‘motornapper’ timbog sa mga rumurondang parak

Bulacan – Arestado ang dalawang lalaki na umano’y mga karnaper matapos mahulihan ng baril ng mga nagpapatrolyang pulis sa bayan ng Santa Maria.

Sa report kay PCOL Franklin Estoro, Officer-in-Charge of Bulacan Provincial Police Office, naganap ang insidente nitong Miyerkules ng hapon nitong Abril 9 sa harap ng supermarket sakop ng C. De Guzman Street.

Ayon sa report, napansin ng mga nagpapatrulayang pulis ang dalawang kahinahinalang lalaking lulan ng Yamaha Mio motorcycle na nakaparada sa nasabing lugar.

Nabatid na nillapitan at kinompronta ng mga pulis ang mga ito hanggang sa aksidenteng ngumuso ang puluhan ng baril sa bewang ng isa sa rider na akmang tatakas.

Agad napigilan ng mga pulis ang dalawa hanggang sa makumpiska ang kalibre .38 na baril na may apat na bala sa naturang rider kaya sila tuluyang inaresto.

Sa patuloy na imbestigasyon, natuklasan ng pulisya na ang gamit nilang motor ay ang Yamaha Mio Sporty na naiulat na nawawala bandang 1:30 ng hapon nitong Abril 8, 2025 sa Brgy. Pulong Buhangin.

Nahaharap ang mga suspek na may alyas Boy at alyas Mang sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III