MANILA, Philippines — Sinisiyasat ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan ng mga opisyal ng Pasay City kaugnay ng mga kamakailang raid sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa lungsod.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesman Winston Casio, patuloy ang imbestigasyon ng Department of Justice at Department of the Interior and Local Government sa posibleng papel ng lokal na pamahalaan, partikular sa pag-isyu ng mga business permit.
Kabilang sa mga sinalakay ang Rivendell sa P. Zamora, Zun Yuan Technology sa FB Harrison at William Street, Kimberhi Technology, at Heritage Hotel sa Pasay. Bagamat nakikiisa ang hepe ng pulisya ng lungsod, sinisiyasat pa rin kung may pananagutan ang mga lokal na opisyal sa pagpapahintulot ng POGO operations.
Samantala, 14 Pilipino at anim na Koreano ang inaresto kamakailan sa Pasay dahil sa umano’y ilegal na POGO at scam operations. Isa sa mga Koreano ay blacklisted alien. Ayon sa mga awtoridad, lumilipat na sa mas maliliit na operasyon ang mga POGO scammers, kabilang ang love scams.
Wala pang pahayag si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano hinggil sa isyu. RNT