MANILA, Philippines – Maaaring magkaroon na ng go signal ang commercial vaccination laban sa African swine fever (ASF) sa Abril, ayon sa agricultral sector base sa naging pahayag ng Department of Agriculture.
Sinabi umano ni DA Assistant Sec. Arnel de Mesa na target ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., na posible sa unang linggo ng Abril ay mayroon nang commercial approval ang AVAC vaccine ng Vietnam.
Ang pahayag ng DA ay labis namang ikinatuwa ng samahan ng magbababoy partikular ang Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist sa mabilis na naging tugon ng pamahalaan sa kanilang inilahad na mga suliranin nitong nagdaang Quinta Committee hearing sa mga hamon na nakakaapekto sa sektor ng agrikultura ang malaking problema ng magbababoy sa kakulang ng bakuna.
Hirit ng mga magbababoy, sana sa lalong madaling panahon ay magkaroon na ng commercial use ang ASF vaccine.
Hinikayat ng AGAP Partylist ang pamahalaan na ilibre/subsidize ang bakuna laban sa ASF para sa alagang baboy ng backyard hog raisers.
Binigyang-diin ni Briones na hindi kakayanin ng mga maliliit na magbababoy ang P12,500 kada bote ng AVAC vaccine na mayroong 50 doses.
Aniya, kung hindi ito gagawin ng pamahalaan posibleng hindi na magpabakuna ang mga backyard raisers ng kanilang mga alaga kaya’t namemeligrong kumalat pa rin ang ASF sa bansa.
Giit pa ni Briones, na importanteng mabakunahan kaagad ang 6.3 milyon na piglets hanggang fatteners upang masugpo ang nasabing sakit.
Samantala, ipatutupad na ng DA ang maximum suggested retail price o MSRP para sa karne ng baboy ngayong Marso sa gitna ng pagtaas ng presyo ng karne ng baboy.
Kaugnay nito, ipinanawagan ni Briones ang pagpapataw ng MSRP sa mga imported na karneng baboy ang dapat unahin bago ang lokal na karneng baboy dahil kusa ng bababa ang presyo nito kung magiging 200/kg ang presyo ng imported na karneng baboy.
“Kung magpapatupagd ng MSRP sa presyo ng lokal na baboy dapat mayroon din minimum farm gate price upang hindi malugi ang magbababoy. Kung bababa sa minimum na FGP, kailangan magbawas ng importasyon ng baboy at magtaas ng taripa na ipapataw sa imported na baboy,” wika ni AGAP Partylist Rep. Briones.
Ikinatuwa rin ni Briones ang ginawang pag-convene ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga implementing agencies ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council.
Sa ganitong paraan, giit ni Briones, magiging maayos at epektibong maipatutupad ang batas laban sa mga iligal na gawain tulad ng smuggling, hoarding, profiteering, at kartel sa agricultural products.
Ang Anti Agricutural Economic Sabotage Act ay isinulong ni Briones at siya ring principal sponsor at author nito. RNT