Home NATIONWIDE Pananakit ng transport group sa radio reporter kinondena ng PTFoMS

Pananakit ng transport group sa radio reporter kinondena ng PTFoMS

MANILA, Philippines – MARIING kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pisikal na pag-atake ng mga miyembro ng transport group, ‘MANIBELA” laban sa isang miyembro ng mamamahayag na nagko-cover ng transport strike na isinagawa ng grupo sa Quezon City.

Sinabi ni Undersecretary Paul M. Gutierrez, PTFoMS executive director, na ang physical abuse na ginawa laban kay Val Gonzales, isang beteranong field reporter mula sa radio station DZRH ay hindi makakukuha ng suporta mula sa publiko para sa transport group o sa usapin na pilit na pino-promote ng mga ito.

Base sa personal na pakikipag-usap ni Gutierrez kay Gonzales at mga report sa task force mula sa ibang miyembro ng mga press, sinuntok si Gonzales sa may baywang nito ng dalawang beses ng miyembro ng MANIBELA, para sa walang kadahilanan, habang ginagawa ang kanyang trabaho at nag-uulat sa may kahabaan ng

East Avenue, Quezon City, isinara dahil sa trapiko. Ang resulta ng traffic jam ay mararamdaman hanggang sa dulo ng Commonwealth Avenue.

“Mariin natin kinokondena ang karahasan na ito laban sa isang kagawad ng media, sa katauhan ni kasamang Val Gonzales, na gumaganap lamang sa kanyang tungkulin sa pag-uulat ng mga kaganapan sa ating bansa,” ayon kay Gutierrez.

Sinabi pa ni Gutierrez na nakipag-ugnayan na siya kay Quezon City Police District director, P/BGen. Red Maranan, para ipatawag si MANIBELA chairman, Mario Valbuena, para sa mapangahas na ginawa ng kanyang mga miyembro.

Nauna rito, sa naunang transport strike na ginawa rin ng MANIBELA, biktima naman si DZBB field reporter, Allan Gatus, ng ‘verbally abused’ mula sa mga strikers.

“At ganito rin ang sumbong sa atin ng ating mga kasamahang reporter sa transport strike ngayong araw. Bukod sa pananakit kay Val Gonzales, hayagan ding inakusahan ng mga kasapi ng MANIBELA ang mga nag-cover na media nang pagiging ‘bayaran’ at umano’y pagiging ‘biased’ laban sa kanilang grupo,” ayon kay Gutierrez.

“Kung inaakala ng grupo ni Mr. Valbuena na ang ganitong mga paratang at pandarahas sa hanay ng midya ay makatutulong sa kanilang ipinaglalaban, nagkakamali sila. Naniniwala tayong hindi susuportahan ng publiko ang mga hakbang na may kaasamang pandarahas at pananakot.” dagdag na wika nito.

Samantala, sinabi ni Gutierrez na nakahanda na ang task force para suportahan si Gonzales na ipinahayag ang kanyang hangarin na idemanda ang transport group.

“We assure Val Gonzales that the PTFoMS is fully supportive of his decision to sue those involved in the attack against him,”ayon kay Gutierrez. Kris Jose