MANILA, Philippines – IPAUUBAYA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Beijing ang desisyon kung papalitan si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan sa gitna ng panawagan ng dalawang senador na palitan siya.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na igagalang ng gobyerno ng Pilipinas ang desisyon ng Beijing kung sino ang ipapadala nito bilang kanilang opisyal na envoy.
“Ang hindi gagawin ng Pangulo ay mag-initiate na, ‘Ayaw ko ang ambassador na ito.’ Rerespetuhin natin kung sino ang itinatalaga ng China. Kung nakikita nila na nagiging sanhi ito ng argumento, nasa China po ’yan na magdesisyon,” aniya.
Normal aniya para sa mga opisyal, lalo na sa mga senador ng Pilipinas, na ihayag ang kanilang sentimyento sa iba’t ibang usapin dahil hindi sila maaaring diktahan ng Pangulo.
“Meron tayong freedom of expression. Kung nagsasalita ’yung China, maaari ring magsalita ’yung nasa Pilipinas. So ang maganda dito, hangga’t maaari, gumamit ng diplomasya,” wika ni Castro.
“Dapat pareho lang. Respetuhan lang,” dagdag pa niya.
Nauna rito, kapuwa hiniling nina Sen. JV Ejercito at Sen. Raffy Tulfo na palitan si Chinese Ambassador Jing Quan bilang envoy sa Pilipinas, kasunod ng tensiyon sa pagitan ng Senado at ng Chinese Embassy sa Maynila.
Ayon kay Ejercito, hindi dapat maging hostile ang mga diplomat sa host country. Pinaigting naman ni Tulfo ang punto at sinabing si Jing ay “very aggressive at very sensitive” kumpara sa kanyang predecessor na si Huang Xilian. Para sa kapakanan ng relasyon ng Pilipinas at China, mas mainam aniya na magkaroon ng bagong ambassador.
Parehong iginiit ng mga senador na ang Senado ay simpleng ipinagtatanggol ang interes ng bansa at ang karapatan nitong magpahayag.
Nanawagan si Tulfo ng mas maayos na dialogue sa pagitan ng dalawang panig, habang si Sen. Robinhood Padilla ay nagpakita ng pag-unawa sa China ngunit sa huli ay sumang-ayon sa posisyon ng kanyang mga kasamahan.
Samantala, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na ayaw na niyang makipag-engage sa embahada.