MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta si Senador Manny Pacquiao sa Panay-Guimaras-Negros Bridge, na inaasahang magpapabilis ng transportasyon at magpapalakas ng ekonomiya sa kanayunan.
Sa isang press conference sa Victorias City, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalikasan, lalo na sa mga tirahan ng endangered Irrawaddy dolphins sa Pulupandan at Bago City.
Ayon kay Pacquiao, may makabagong teknolohiya na maaaring gamitin upang maitayo ang tulay nang hindi nakakasira sa coral reefs at critical habitats, tulad ng ginagawa sa ibang bansa. Iginiit niyang dapat tiyakin ng gobyerno ang tamang superbisyon at ecological safeguards sa proyekto.
Naniniwala siyang posibleng pagsabayin ang pag-unlad at pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano at makabagong engineering solutions. Dagdag niya, malaking benepisyo ang hatid ng tulay sa mga residente sa rehiyon, lalo na sa pagpapabilis ng biyahe at pagpapasigla ng ekonomiya.
Sinabi rin ni Pacquiao na kailangang maisulong ng administrasyon ang mga batas na magbabalanse sa pag-unlad at konserbasyon upang maprotektahan ang likas na yaman ng bansa. RNT