Home NATIONWIDE Pondo sa pagkumpleto ng Antique Airport, tiniyak ni Legarda: ‘Malapit nang buksan’

Pondo sa pagkumpleto ng Antique Airport, tiniyak ni Legarda: ‘Malapit nang buksan’

MANILA, Philippines – Sa layuning gawing masiglang sentro ng kalakalan, turismo, at kaunlaran ang lalawigan ng Antique, tiniyak ni Senador Loren Legarda na sapat ang pondo sa pagbubukas ng Antique Airport na sinimulan noong pang 2017.

Ayon kay Legarda, malapit nang maging ganap na operational ang Antique Airport matapos ang matagumpay na paglaan ng kinakailangang pondo para sa makumpleto ang terminal building ng paliparan ng Antique.

Kabilang din sa pinondohan ang pagpapalawak ng runway nito sa 1.8 kilometro na magiging kasing-haba ng Caticlan Airport runway at kakayanin na tumanggap ng mas malalaking eroplano, kabilang ang Airbus models.

Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (2025 GAA), isinulong nina Legarda at Congressman AA Legarda ang ₱125 milyon na budget para sa kumpletong pagsasaayos ng Antique Airport.

Ayon sa senadora, matagal ng hinihintay ng mga Antiqueño ang proyektong ito, at ngayon, malapit ng maisakatuparan ang mas pinalawig na air-connectivity ng lalawigan na inaasahang magbukas ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya.

“Wala pang isang dekada, sa suporta ng aking kapatid, at sa walang humpay naming pagsusumikap, makikita na natin ang kumpletong operasyon ng Antique Airport. Ang dating tahimik na lalawigan ng Antique ay magiging mahalagang gateway na para sa trade, tourism, at development! Lubos akong nagpapasalamat sa Department of Transportation (DOTr), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Department of Public Works and Highways (DPWH), at lahat ng tumulong upang maisakatuparan ang pangarap na ito,” pahayag ng senador.

Pagbabahagi ng senadora, matagal nitong pinagsusumikapan na maghatid ng pag-unlad sa naturang paliparan.

Noong 2016, 1,200 metro pa lang ang haba ng runway. Pinahaba ito noong 2018 sa 1,400 metro, kaya nakakalapag na ang mga 80-seater na propeller aircraft. Noong 2023 naman, umabot na ito sa 1,700 metro.

Dahil sa garantisadong pondo sa 2025 GAA, pahahabain pa ang runway ng paliparan sa 1,800 metro, upang makapag-accommodate ng mas malalaking eroplano, kabilang ang Airbus models.

“Ang pagpapaunlad ng Antique Airport ay susi sa pagpapalakas ng koneksyon at ekonomiya ng lalawigan. Bawat pisong inilaan para sa proyektong ito ay dapat magresulta sa tunay na pag-unlad para sa mga Antiqueño,” ani Legarda.

Dahil sa nakuhang pondo at patuloy na pagpapaganda ng imprastraktura, inaasahan na maging makabago at ganap na functional ang Antique Airport—hindi lang para sa mga residente, kundi pati na rin sa mga bisita at negosyong papasok sa lalawigan.

Kasama si Congressman Legarda, nananatiling matibay ang pangako ni Senadora Loren na ihatid ang pangmatagalang pag-unlad sa mga pasilidad ng air transport sa lalawigan ng Antique. Ernie Reyes