Home NATIONWIDE Tagumpay ng DAR sa agrarian reform itinanggi ng grupo ng mga magsasaka

Tagumpay ng DAR sa agrarian reform itinanggi ng grupo ng mga magsasaka

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang umano’y accomplishment ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa repormang agraryo at sinabing malayo umano ito sa Tunay na Reporma sa Lupa, libreng pamamahagi ng lupa, na inisyal na hakbang para resolbahin ang malawakang kawalang lupa sa bansa.

Sinabi ni Danilo Ramos chairperson ng KMP na nakabalangkas lamang umano sa bangkaroteng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) ang programa ng DAR na isang kontra-magsasaka, kontra-maralita at kontra-mamamayan programa.

Ginawa ni Ramos ang pahayag na isa rin sa Makabayan Senatorial candidate para sa mid term election 2025 makaraang ipagmalaki ni DAR Secretary Conrado Estrella lll ang mga nakamit na tagumpay ng repormang pansakahan ng gobyerno sa ilalim ng adminstrasyong Marcos Jr.

Ayon sa lider ng mga magsasaka walang bagong batas para sa repormang agraryo, kaya wala nang bagong ARBs, at ang mga hindi nasaklaw na magsasaka at manggagawang bukid ay kundenado sa kawalang lupa, kahirapan at kagutuman.

“Sinasabi nila na matagumpay ang programa ng CARP para sa repormang agraryo eh, matagal ng patay ang CARP at nagtapos ang programa nito ilang taon na ang nakalilipas,” ayon kay Ramos.

Sinabi pa ni Ramos na may mga datos umano na naipamahaging lupang agraryo pero walang datos sa mga nakansela, napalayas na mga magsasaka at mga nakumbert sa lupa.

Idinagdag pa ng KMP na may datos din umano sa Imperyalistang SPLIT ng World Bank, pero walang datos umano sa epektibong kooperasyon ng mga magsasaka, samakatuwid, mas misyon ng DAR na paghihiwa-hiwalayin ang mga magsasaka sa kabila ng lumalaking gastos sa pagsasaka.

“Malayo sa tunay na reporma sa lupa ang sinasabi nilang tagumpay ng agrarian reform” ayon kay Ramos.

Sinabi pa ng KMP na bigo umano sang PD 27 at CARP, na pekeng repormang agraryo dahil hindi ito sa balangkas ng libreng pamamahagi ng lupa o Tunay na Reporma sa Lupa, na ilang dekada nang isinisigaw ng masang magsasaka sa bansa. Tahimik din ito sa pagkabangkaroteng nagpatalsik sa mga magsasaka sa lupa sa dahilang hindi sila nakabayad sa amortisasyon.

Naniniwala rin si Ramos na panahon na para ipatupad ng DAR at pamahalaan ang tunay na repormang agraryo na magpapalaya sa mga magsasaka sa bangkaroteng CARP at huwad na repormang agararyo ng pamahalaan.

Kaugnay nito sinikap ng sumulat na makuha ang panig ng Department of Agrarian Reform (DAR) particular ang Public Assistance and Media Relation Service (PAMRS) ng DAR hinggil sa pahayag ng KMP subalit nabigo ang sumulat na makuha ang reaksyon ng DAR. Santi Celario