Home METRO Panday patay sa kapitbahay ng may sayad

Panday patay sa kapitbahay ng may sayad

ILOILO CITY- Mistulang gripo na pumuslit ang dugo sa leeg ng isang panday matapos itong tagpasin ng kanyang kapitbahay na may problema sa pag-iisip, iniulat kahapon sa bayan ng Igbaras.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Edwin Elumba Espada, 52-anyos, panday at tanod ng barangay Talaytay, Igbaras.

Agad namang nadakip sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya ang suspek na si John Ray Barison, 27-anyos at residente ng nasabing lugar.

Batay sa report ng Igbaras Municipal Police Station, naganap ang krimen noong Lunes ng umaga Abril 28, 2025 sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, abala ang biktima sa pagpapanday sa ginagawang bahay ng kanyang kaanak nang bigla na lamang sumulpot ang suspek na armado ng itak.

Dito, walang babalang tinagpas sa leeg ang biktima na naging sanhi ng agarang kamatayan nito saka mabilis na tumakas ang suspek.

Natunton ng pulisya ang suspek sa Barangay Tigmarabo nitong umaga habang naliligo sa ilog na nagresulta sa pagkakadakip dito.

Kwento ng kaanak, may problema sa pag-iisip sa suspek at kapag sinusumpong ito ay nagiging bayolente.

Inihanda na ang kasong pagpatay na isasampa laban sa suspek. Mary Anne Sapico