MANILA, Philippines – Pormal na hiniling ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality sa Pasig City at Quezon City courts na payagang dumalo sa imbestigasyon ng Senado sa alegasyon ng human trafficking at sexual abuse sa Oktubre 23 si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Ibinahagi ng opisina ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang kopya ng mga liham na may petsang Oktubre 14 na ipinadala sa pamamagitan ni committee secretary Gemma Tanpiengco patungo kay Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159 Presiding Judge Elma Rafallo-Lingan at Quezon City RTC Branch 106 Presiding Judge Noel Parel.
Itinakda sa Oktubre 23, 10 a.m. ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado.
Bukod kay Quiboloy, inimbitahan din ng komite ang pagdalo ng co-accused ni Quiboloy na sina
Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemañes.
Noong Marso, nag-isyu ng arrest order ang Senado laban kay Quiboloy dahil sa “unduly refusing to appear, despite due notices” sa mga pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Matatandaan na nanindigan ang lider ng KOJC na hindi siya magpapasakop sa Senate inquiry sa mga alegasyon ng sexual abuse na ginawa niya sa mga miyembro ng organisasyon.
Sa korte lamang umano haharap si Quiboloy.
Nahaharap ang self-appointed son of God sa mga kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at qualified human trafficking charges.
Nahaharap din ito sa reklamong alleged conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; at bulk cash smuggling sa Estados Unidos. RNT/JGC