Home NATIONWIDE Bong Go: Walang ‘reward system’ sa drug war ni Duterte

Bong Go: Walang ‘reward system’ sa drug war ni Duterte

191
0

MANILA, Philippines – Walang tinatawag na “reward system” sa giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go sa pagsasabi pang palaging inirerespeto ni Durterte ang rule of law bilang isa ring dating abogado at tagausig.

“Walang reward system na iniimplementa noon kapalit ang buhay ng sinuman,” mariing sabi ni Go.

Dismayado si Go dahil garapalang pinupulitika ngayon ang mga nagawa ng kampanya laban sa droga ng nakaraang administrasyon.

Aniya, ang mga pagsisikap noon na labanan ang droga at minsang nagtamasa ng malawakang pag-apruba ng publiko, maging ng mga pulitiko, para mas maging mas ligtas ang mga komunidad ay binabaliktad na ngayon.

“Nakalulungkot na baliktad na ang panahon ngayon. Hinahaluan ng pulitika ang mga imbestigasyon, at binabalewala ang pinagsikapan ng nakaraang administrasyon na linisin ang bansa laban sa kriminalidad at droga para sa kinabukasan ng bayan at ng ating mga anak,” ayon kay Go.

Sinabi rin ni Go na nagsilbi siya bilang Special Assistant to the President mula nang maupo si Duterte noong 2016 hanggang Oktubre ng 2018, at ang kanyang tungkulin kailanman ay walang kinalaman sa anumang police operations o financial management sa loob ng Office of the President. Pinabulaanan niya ang mga alegasyon nag-uugnay sa administrasyon sa mga insentibong pagpatay.

“Bilang Special Assistant to the President noon, wala akong partisipasyon, direkta man o hindi, sa operational requirements ng war on drugs,” ani Go.

“Tulad ng nakasaad sa Executive Order na lumilikha ng aking posisyon, ang aking mga tungkulin ay limitado sa pag-iskedyul, mga appointment, at pakikipag-ugnayan sa pangulo. Hindi kasama sa aking mandato ang mga operasyon ng pulisya.

Iginiit ng senador na ang giyera laban sa droga ni Duterte ay nakakuha ng malawak na suporta ng iba’t ibang sektor at pinuri maging ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa State of the Nation Addresses (SONA) ng dating Pangulo mula 2016 hanggang 2021.

Binigyang-diin niya kung paano naramdam ng mga Pilipino na mas ligtas sila sa kanilang mga komunidad sa panahon ng giyera laban sa droga ng administrasyong Durterte.

Kaugnay nito, itinuturing ni Go na isa lamang diversionary tactics ang mga alegasyon o nilalaman ng affidavit ni Colonel Garma sa pagdinig ng quad committee, naglalayong guluhin ang tunay na isyu.

Inilarawan niya ang mga pahayag bilang “malicious at unsubstantiated” at hinimok ang Senado na magsagawa ng parallel ngunit patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga paratang. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here