MANILA, Philippines – Matinding sinopla saka itinaboy at tinawagang “nonsensical” ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang “prejudgment” ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo kung paano boboto siya at ang iba pang senador sakaling umabot sa Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Partikular na kinontra ni Lacson ang pahayag ni Panelo na siya, si Senate President Vicente Sotto III, at sina Sen. Risa Hontiveros at Francis Pangilinan ay boboto para i-convict ang Bise Presidente.
“Bakit marunong pa siya sa amin? Ako walang pwedeng magsalita on my behalf. Sinabi ko na yan, we’ll always be guided by the evidence. Wala pa tayo doon, bakit pinangungunahan niya at tatawagan pa niya kaming pusakal?” aniya sa isang panayam sa Storycon sa One News. “Manghuhula ba siya? E kung sabihin ko siya ang pusakal na manghuhula?”
“Hindi lang siya pusakal. Ungas siya, ungas,” ani Lacson tungkol kay Panelo.
Binigyang-diin ni Lacson na bilang mga posibleng senator-judges, kailangan nilang maging maingat sa kanilang mga pahayag, lalo’t mahigpit na binabantayan ng publiko ang kanilang bawat galaw.
Dagdag pa niya, wala silang dapat maging batayan sa pagpapasya kundi ang ebidensya, dahil mapupuna sila ng publiko kung boboto silang mag-convict kahit mahina ang ebidensya, o mag-acquit kahit malakas ito.
“Yan ba ipapamana namin sa anak namin, sa mga apo namin? May mga huwisyo naman kami, huwag niya kami pangunahan kasi yan ang complete nonsense ang sasabihin mong apat ang siguradong magko-convict,” aniya.
Binanggit din ni Lacson na ang “saving grace” ni Panelo ay ang kanyang anak na si Salvador Paolo Panelo Jr., na aniya ay maayos ang asal.
“Ang anak niya ang layo ng bagsak ng prutas sa puno. Iba ang aura ng anak. Ako humahanga ako sa anak. Pero saan kumuha ng ganoong ugali ang anak, e ang tatay niya ang layo?” aniya.
“Sa kagaganyan niya baka malaglag siya sa kisame,” dagdag niya patungkol sa nakatatandang Panelo.
Samantala, pinaalalahanan ni Lacson ang kanyang mga kapwa senador na umiwas sa pagbibigay ng komento hinggil sa posibleng merito ng impeachment case laban sa Bise Presidente, dahil sila ay maaaring magsilbing senator-judges.
“Hindi ko sinasabing meron kaming kasamahan na inappropriate pero dapat huwag mag-comment, kami ang huwes,” aniya. Ernie Reyes