MANILA, Philippines – Isang House Resolution ang inihain sa Kamara ni OFW Partylist Rep Marissa Magsino na humihiling na imbestigahan ang iregularidad sa recruitment at deployment ng mga Filipino Seasonal Agricultural Workers sa South Korea sa ilalim ng Local Government Unit to Local Government Unit (LGU to LGU)’ arrangement.
Ang hakbang ni Magsino ay kasunod ng ginawa nitong pagbisita sa South Korea kamakailan kung saan nakarating sa kanya ang ilang pang aabuso sa mga Pinoy seasonal workers.
Ilan sa reklamo ay ang hindi pagkakaroon ng disenteng pagkain, hindi maayos na lodging facilities, paglabag sa contractual terms, mahabang work hours at alegasyon ng inhumane treatment.
“During our town hall meeting with leaders of the Filipino Communities in South Korea we were informed of labor standard violations against seasonal workers. And since the program stems mainly from LGU-to-LGU agreements, the implementation system does not go through the stringent screening of the Department of Migrant Workers (DMW),” paliwanag ni Magsino.
Umaasa si Magsino na sisilipin ng Kamara ang nasabing programa upang magkaroon ng malinaw na guidelines at matiyak na nabibigyang proteksyon ang mga seasonal worker.
Una nang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) at DMW na mayroon ganitong seasonal workers program, sa kasalukuyan, sa datos ng Department of Interior and Local Government(DILG) ay nasa 46 Local Government Units (LGUs) ang kaanib sa programa.
Giit ni Magsino, nagkakaroon ng pang-aabuso sa nasabing programa dahil wala itong malinaw na panuntunan.
“There is no issued guidelines by any of the agencies concerned to govern the deployment of Filipino seasonal workers under the program, nor any clear-cut delineation of functions and responsibilities among them, which are critical to preclude and address abuses committed against the Filipino workers,” giit ni Magsino.
Ang seasonal agricultural workers ay isang partnership sa pagitan ng LGUs sa Pilipinas at LGUs sa Republic of Korea.
Sa Foreign Seasonal Workers Dispatch Program ay kumukuha ng seasonal agricultural workers sa Pilipinas para makapagtrabaho sa Korea.
Layon ng nasabing programa na mabigyan ng trabaho ang mga Flipino habang matugunan din ang pangangailangan ng South Korea para sa manpower sa kanilang agriculture at fishery sectors.
Ang Foreign seasonal workers ay maaaring magtrabaho ng 3 hanggang 5 buwan sa fruit, vegetable at fishing farms at sa ilalim ng Memorandum of Understanding (MOU) ay dapat kasama sa programa ang pagbibigay ng housing, basic needs at garantiya na maprotektahan ang labor at human rights ng mga mangagawa habang nasa Korea na hindi naman naibibigay. Gail Mendoza