Home METRO Suplay ng baboy sa NegOcc, bumaba

Suplay ng baboy sa NegOcc, bumaba

NEGROS OCCIDENTAL- PINANGANGAMBAHAN ng isang grupo ng mga hog raisers sa lalawigan na kukulangin ang suplay ng baboy ngayong holiday season dahil sa African swine fever (ASF).

Sa pahayag nitong Lunes ng Association of Hog Raisers, Negros Occidental, sa ginawa nilang assessment bilang paghahanda ay inaasahang mataas ang demand ng baboy ngayong holiday season.

Ayon kay AHRNO president Ric Lauron, na simula ngayon buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, pinangangambahan nilang kukulangin ang suplay ng baboy.

“Ang pag-aalala natin, hindi tayo makakapag-supply later on sa market natin since pinapaubos na,” ani Lauron.

Samantala, tiniyak naman ng Negros Occidental Provincial Veterinary Office (PVO) na sapat ang suplay ng baboy sa lalawigan dahil sa mga limitasyong inilagay sa pagbibiyahe nito sa labas ng lalawigan.

Giit ni PVO officer-in-charge Dr. Placeda Lemana, kapag magtuloy-tuloy na walang lumalabas na baboy (sa probinsiya) ay sapat ang suplay dahil sa mga buhay na baboy sa lalawigan.

Sa datos ng PVO, mahigit 200,000 hogs ang kasalukuyang inaalagaan sa lalawigan.

Upang matulungan ang lokal na industriya ng baboy na makabangon mula sa mga epekto ng ASF, inaprubahan ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose “Bong” Lacson ang isang plano sa pagbawi na nagsasaad ng mga hakbang na maaaring gawin ng mga hog raisers sa tulong ng pamahalaang panlalawigan.

Sinabi ni Lacson, magsasagawa sila ng hog repopulation program sa 2024. Mary Anne Sapico