Home NATIONWIDE Panibagong discount bill sa mahihirap na jobseekers, ikinasa ni Lapid

Panibagong discount bill sa mahihirap na jobseekers, ikinasa ni Lapid

MANILA, Philippines – Panibagong panukala ang inihain ni Senador Lito Lapid na magbibigay ng 20 porsiyentong diskuwento sa lahat ng mahihirap na jobseekers sa pagkuha ng pre-employment documents na kukunin ng pamahalaan.

Sa pahayag, sinabi ni Lapid na kailangan mabigyan ng diskuwento ang lahat ng indigent job seekers sa gitna ng malawakang kawalan ng trabaho sa bansa.

Binigyang-diin ni Lapid sa paghahain ng Senate Bill No. 2382 o Indigent Job Applicants Discount Act, ang pamosong kredo o slogan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay Sr. na nagsasabing: “He who has less in life should have more in law.”

Sakaling maisabatas, pinabibigyan ni Lapid ng 20 percent discount ang mga mahihirap na aplikante sa binabayarang fees at charges sa ilang government certificates at clearances, gaya ng NBI, Police Clearance, School Clearance o Transcript of Records, Medical, Marriage at Birth Certificates.

“Nais po nating bigyan ng patas na oportunidad ang ating mga naghihikahos na kababayan para madaling makahanap ng trabaho. Pero hindi mangyayari ito kung papasanin pa nila ang nagtataasang singil ng mga ahensya ng ating pamahalaan bilang bayad sa mga certificates, clearances at iba pa,” ani Lapid.

“Kaya hinihiling ko sa aking mga kasamahan dito sa Senado na madaliin na natin ang pagpasa ng panukalang SBN 2382,” dagdag pa ng Senador.

Naniniwala si Senador Lapid na mahahango sa kahirapan ang isang pamilya kung may trabaho ang sinumang miyembro nito.

Nakatutulong din ang trabaho para sa poverty reduction at sustainable economic and social development.

Kabilang sa kwalipikado sa panukalang batas ang mga pamilyang nasa mababang poverty threshold, at tinukoy o sinertipikahan ng Philippine Statistics Authority o PPSA base sa criteria na itinakda sa ilalim ng Community-Based Monitoring System (CBMS).

Ang siyudad o munisipyo ang magbibigay ng certificates of indigency sa mga kwalipikadong aplikante.

Sa ilalim pa rin ng Lapid bill, sinumang pampublikong opisyal o kawani na tumangging magbigay ng mga benepisyo para sa indigent job applicant ay mapapatawan ng parusang hindi bababa sa P5,000 at hindi naman lalagpas sa P20,000.

May parusang nakatakda rin sa sinumang jobseekers na mandaraya o manloloko sa anumang dokumento o clearances na isusumite sa mga kumpanya o sa ahensya ng gobyerno base sa Revised Penal Code, at papatawan din ng habambuhay na disqualification sa paggamit ng nasabing mga prebilihiyo.

Nakapasa na sa third and final reading ang counterpart bill nito sa Kamara de Representantes noon pang Mayo 22, 2023. Ernie Reyes