Home NATIONWIDE Pang-angkat ng 200K MT asukal aaprubahan ng DA

Pang-angkat ng 200K MT asukal aaprubahan ng DA

MANILA, Philippines – Nakatakdang aprubahan ng Department of Agriculture ang pag-aangkat ng 200,000 metric tons ng asukal ngayong taon.

Ito ay upang matiyak na walang kakapusan sa asukal habang naghihintay ang bansa sa panahon ng paggiling.

“Dapat by September, may arrival tayo at least 200,000 metric tons, refined, for the gap before harvest and refining. Minimum of 200,000 metric tons,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr nitong Miyerkules ng gabi.

“Iyon iyong deficit, iyong current stocks bababa na by August, September, so we have to have to have gap sugar ng 200,000 tons at least by September, October, para sa milling season mo, then milling tuloy na naman, as of the moment walang raw, ”  aniya pa.

Sinabi ni SRA administrator Paul Azcona na ang tinutukoy ni Tiu Laurel ay ang Sugar Order 2, na nagtaas ng presyo ng magsasaka sa stable na P2,700 hanggang 2,800 kada sako ng hilaw na asukal at nagpatatag ng retail refined prices sa P73 hanggang 100 kada kilo.

Sinabi ni Azcona na makikipagpulong sila sa mga opisyal ng DA sa Hulyo para pag-usapan ang planong pag-import.

“Tulad ng sinabi natin dati, mag-a-activate tayo ng import plan kung sakaling maabot ang trigger stock level para masiguro ang stable na supply at stable na presyo para sa ating retail and industrial consumers, gayundin para matiyak na hindi maaapektuhan ang ating mga magsasaka,” ani Azcona .

Sinabi ng grupo ng industriya ng asukal na UNIFED na wala silang pagtutol sa plano.

“Sumasang-ayon ang UNIFED sa plano ng DA na mag-import ng 200k ng refined sugar. Ito ang pupuno sa kakulangan bago magsimula ang harvest season sa Setyembre,” sabi ni UNIFED President Manuel Lamata. Santi Celario