Nueva Ecija, Philippines- Muling naungkat ang ilang taon nang pangako ni Cong.Estrellita “Ging” Suansing sa mahigit 3,000 magsasaka sa bayan ng Guimba, ng lalawigang ito ukol sa hirit na pagbasura sa Rice Tariffication Law.
Ayon sa grupo ng mga magsasaka sa naturang bayan, taong 2019 nang lagdaan nila ang kanilang petisyon na tinanggap naman ng kongresista sa isang pampublikong forum, kung saan nagpahayag ito ng intensyong tugunan ang kanilang karaingan.
Subalit makalipas ang anim na taon, muling binigyang-pansin ng ilang grupo ng magsasaka ang kawalan ng hakbang upang maamyendahan o buwagin ang RTL.
Sa kasalukuyan, nanunungkulan na bilang kinatawan ng distrito si Cong. Mika Suansing, anak ni Ging Suansing, ngunit wala pa rin umano itong naipapasang panukala o resolusyon na naglalayong isulong ang pagrebisa sa nasabing batas.
Ayon sa mga magsasaka, simula nang ipatupad ang RTL, bumaba ang farm gate price ng palay at lumaganap ang imported rice sa mga pamilihan.
Nabatid na partikular na tinamaan ang mga lokal na magsasaka sa Nueva Ecija, na tinaguriang Rice Granary of the Philippines.
Inilaan ng batas ang P10-bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund upang suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng makinarya, binhi, pautang, at pagsasanay.
Gayunman, iginiit ng ilang grupo na hindi nila ramdam ang benepisyo ng naturang pondo.
Anila, sa kabila ng mga pahayag noon ni Cong. Ging Suansing na babantayan niya ang kapakanan ng mga magsasaka, sinasabing walang naitalang inisyatibo ang kongresista upang tuluyang ma-repeal ang batas, katulad din ng naging pananahimik umano ngkasalukuyang kongresi ukol dito.
Kaya naman sa darating na halalan sa Lunes, isinusulong ng ilang grupo ng magsasaka ang pagboto sa mga kandidatong may malinaw na plataporma ukol sa reporma sa agrikultura, partikular sa RTL. RNT