MANILA, Philippines – Nananatili ang pangalan ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro sa opisyal na balota para sa May 2025 elections sa kabila ng pagkansela ng kanyang certificate of candidacy (COC) para sa unang distrito ng kongreso ng lungsod.
Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na nakabinbin pa rin sa Commission en Banc ang Motion for Reconsideration (MR) ni Teodoro. Binanggit ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na mananatili ang pangalan ni Teodoro sa balota maliban kung magiging pinal at executory ang desisyon.
Nauna rito, kinansela ng Comelec First Division ang COC ni Teodoro dahil sa material misrepresentation sa kanyang paghahain noong Oktubre 2024. RNT