Home HOME BANNER STORY Pangamba ng publiko sa ‘Taiwan invasion’ pinawi ng Malakanyang

Pangamba ng publiko sa ‘Taiwan invasion’ pinawi ng Malakanyang

MANILA, Philippines – PINAWI ng Malakanyang ang pangamba at pag-aalala ng taumbayan sa posibilidad na sakupin ng China ang Taiwan matapos magsagawa ng military exercises sa ­Taipei na hinihinalang bahagi ng planong pagsakop sa Taiwan na matagal na nitong umanong pinagpaplanuhan.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na “walang dapat na ipag-alala” ang publiko sa bagay na ito sa kabila ng naging panawagan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa Filipino troops na maghanda na sakaling tuluyan nang sakupin ng TSina ang Taiwan.

”Sa aming pagtanto, hindi naman po dapat mabahala ang taumbayan,” ang sinabi ni Castro.

Nauna rito, sa naging talumpati ni Brawner sa tropa ng ­AFP-Nolcom, sinabi nito na handa rin ang AFP na ilikas ang tinatayang nasa 250,000 OFWs sa ­Taiwan.

“Start planning for actions in case there is an invasion of Taiwan. So ­ie-extend na natin ‘yung sphere of operations natin because if something happens to Taiwan, inevitably we will be involved,” ayon kay Brawner.

Winika pa nito na tungkulin ng AFP-Nolcom na pangunahan ang ­rescue operations sakaling nangyari ang worst case scenario doon.

Inatasan din nito si AFP-Nolcom Chief Lt. Gen. Fernyl Buca at iba pang mga opisyal ng ­militar na maging handa sa mga posibleng maging kaganapan.

Matatandaang, sa pagbisita ni US Defense Chief Pete Hegseth ay sinabi nito na paiigtingin pa ang pagpigil sa mga mararahas na aksiyon ng China sa West Philippine Sea, depensa sa Indo Pacific Region at maging sa Taiwan. Kris Jose