Home NATIONWIDE Malaking dengue outbreak ngayong taon, posible – DOH

Malaking dengue outbreak ngayong taon, posible – DOH

MANILA, Philippines – Inaasahang mahaharap sa dengue outbreak ngayong taon ang Pilipinas kung magpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng hanggang 78% kumpara noong nakaraang taon.

Itinaas ni Health Secretary Ted Herbosa ang alalahanin kasunod ng ulat na ang kaso ng dengue na naitala mula Enero 1 hanggang Marso 15, 2025 ay umabot na sa 76,425– na mas mataas sa 42,822 kaso sa kaparehong panahon noong 2024.

Ang rehiyon na may pinakamataas na kaso ng dengue sa ngayon ay Calabarzon na may 15,108 kaso, National Capital Region na may 13,761 kaso at Central Luzon na may 12,424 mga kaso.

Gayunman, sinabi ng DOH na ang case fatality rate o bilang ng namamatay na indibidwal mula sa sakit ay nanatiling mababa sa 0.41%.

Noong Pebrero, inilunsad ng DOH ang nationwide campaign upang maiwasan at makontrol ang pagkalat ng dengue sa bansa.

Patuloy ding nagpapaalala ang DOH sa publiko na linisin ang mag lugar kung saan namumugad ang mga lamok na may dalang dengue. Jocelyn Tabangcura-Domenden