Home NATIONWIDE Panibagong red, yellow alert ipinatupad ng NGCP sa Luzon, Visayas

Panibagong red, yellow alert ipinatupad ng NGCP sa Luzon, Visayas

57
0

MANILA, Philippines – Posibleng makaranas muli ng brownout ang mga consumer sa Luzon at Visayas ngayong Huwebes matapos magpatupad ng panibagong red at yellow alert ang National Grid Corporation of the Philippines.

Sa ikalawang sunod na araw, inilagay ng NGCP sa red alert ang Luzon grid mula 4 p.m. hanggang 10 p.m. Magkakaroon din ng yellow alert mula 3 p.m. hanggang 4 p.m. at 10 p.m. hanggang 11 p.m.

Ang available capacity ng Luzon ay 12,479 megawatts (MW), habang inaasahang aabot sa 12,595 MW ang peak demand.

Sa Visayas grid naman, magkakaroon ng red alert mula 4 p.m. hanggang 9 p.m., habang yellow alert mula 3 p.m. hanggang 4 p.m. at 9 p.m. hanggang 11 p.m.

May available capacity itong 2,413 MW laban sa inaasahang peak demand na 2,541 MW.

Kapag yellow alert, sapat pa ang supply ngunit may banta ng brownout kapag may pumalyang planta. Kapag red alert naman, kulang na ang supply para tugunan ang demand kaya posible ang brownout.

Ayon sa NGCP, nasa 5,100 MW ang offline dahil sa mga pumalyang planta kasabay ng mataas na demand ngayong tag-init.

Noong Miyerkules ng gabi, nagpatupad ang Manila Electric Company ng manual load dropping o rotational brownouts na tumagal ng dalawa hanggang tatlong oras.

Mahigit 920,000 customer sa Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Metro Manila, at Rizal ang naapektuhan. Pagsapit ng 7:30 p.m. noong Miyerkules, naibalik na ng Meralco ang serbisyo sa humigit-kumulang 270,000 customer. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here