MANILA, Philippines- Iginiit ng Malacañang nitong Huwebes na hindi nagbabago ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. ukol sa panawagan ng China na alisin ang Typhon missile ng United States mula sa South China Sea.
”Hindi po nagbabago ang Pangulo sa kaniyang pronouncement – mayroon po siyang mga demands – kung gustong mag-demand po ng China mayroon po tayong counter demand diyan, pareho pa rin po ng ating stance, ang Pangulo ganoon pa rin po ang kaniyang stance,” ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing.
Nitong Miyerkules, muling nanawagan ang Chinese state media sa Pilipinas na tanggalin ang Typhon intermediate range missile ng US mula sa South China Sea, iginiit na ilang beses na umanong hindi tumupad sa pangako ang Pilipinas sa pamamagitan ng missile system.
“Let’s make a deal with China: Stop claiming our territory, stop harassing our fishermen and let them have a living, stop ramming our boats, stop water cannoning our people, stop firing lasers at us, and stop your aggressive and coercive behavior, and I’ll return the Typhon missiles,” matatandaang inihayag ni Marcos.
Kabilang sa Typhon missile system ang Tomahawk cruise missiles na kayang tamaan ang mga target sa China at Russia, habang abot ng SM-6 missiles ang air o sea targets na may layong mahigit 200 kilometro, base sa ulat ng Reuters. RNT/SA