MANILA, Philippines – PINURI ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang matatag na paninindigan laban sa korapsyon at kapabayaan sa pamahalaan.
Para kay Goitia, ang mga hakbang ng Pangulo ay hindi lamang pagpapatupad ng reporma kundi pagbabalik ng dangal at moralidad sa pamamahala.
“Simple pero makapangyarihan ang mensahe ng Pangulo. Walang dapat masayang na pera, at walang sinuman ang dapat ituring na mas mataas sa batas. Iyan ang uri ng pamumuno na nakakakuha ng respeto ng taumbayan,” ani Goitia.
Binigyang-diin ng Pangulo na bawat piso sa pambansang badyet ay dapat maramdaman ng mga pamilyang Pilipino at hindi malustay sa red tape o maling paggamit. Kaya’t iniutos niya ang matagal nang hinihintay na pagbabago sa mga patakaran ng Investment Coordination Committee at ang pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure upang imbestigahan ang mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control at iba pang imprastraktura.
Nilinaw din ni Pangulong Marcos na walang sinuman ang ligtas sa pananagutan, gaano man kataas ang katungkulan.
Para kay Goitia, ito ay malinaw na patunay ng seryosong hangarin ng Pangulo na linisin ang pamahalaan.
“Sa wakas, may lider tayong hindi takot maglinis ng sariling hanay,” aniya Goitia.
“Ang pagtatatag ng komisyong ito ay mensaheng malinaw na ang pananagutan ay hindi lamang salita kundi prinsipyo. Ipinapakita ng Pangulo na may lugar pa rin ang katapatan sa serbisyo publiko,” dagdag pa nito.
Binigyang-diin ni Goitia na ang mga repormang ito ay hindi lamang mga pangako kundi mga konkretong hakbang tungo sa tunay na pagbabago. Ayon sa kanya, ang pagpapasimple ng mga proseso at mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ay makatutulong upang mabawasan ang pag-aaksaya ng pondo at mapigilan ang katiwalian.
Dagdag pa niya, ang pahayag ng Pangulo na ‘walang pera ang dapat masayang’ ay hindi lang tungkol sa badyet kundi tungkol sa pagpapahalaga sa tama. “Ang bawat pisong ninanakaw sa kaban ng bayan ay pera ng mamamayan. Dapat itong magsilbing paalala sa lahat ng nasa gobyerno na ang bawat sentimo ay may halaga,” ani Goitia.
Ayon kay Goitia, ang tunay na labanan ay hindi sa pagitan ng mga pulitiko kundi laban mismo sa korapsyon. “Ang mga totoong kaaway ng progreso ay hindi mga kalabang partido, kundi ang korapsyon, kawalang-kakayahan, at pang-aabuso sa kapangyarihan,” paliwanag niya. “Diyan nakatuon ang Pangulo, at diyan dapat makiisa ang taumbayan.”
Binale-wala rin ni Goitia ang mga ingay at intriga na layong hadlangan ang mga reporma ng administrasyon. “Iisa lang ang layunin ng mga ganitong taktika, at iyon ay paghiwa-hiwalayin tayo,” aniya.
Nanawagan naman si Goitia sa lahat ng Pilipino na magkaisa sa likod ng Pangulo at ng kanyang adbokasiya para sa tapat na pamamahala. “Ginagawa na ng gobyerno ang bahagi nito. Panahon na para tayong mga mamamayan ay makibahagi rin,” sabi niya. “Suportahan ang katapatan, itakwil ang korapsyon, at ipaglaban ang tama. Laban ito ng bawat Pilipino.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon: ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (RNT)