MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na inalis na ng ahensya ang pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga alagang hayop at ligaw na ibon mula Japan matapos ideklara ng mga awtoridad sa beterinaryo na malaya na ang bansa sa highly pathogenic avian influenza (HPAI).
Dahil sa desisyon, muling nabuksan ang access sa mahalagang pinagkukunan ng breeding stock para sa industriya ng manok, habang pinapanatili ang mga hakbang upang maprotektahan ang industriya ng livestock at poultry ng bansa.
Saklaw ng desisyon ng DA ang mga alagang hayop at ligaw na ibon, kabilang ang one day old na mga sisiw at mga itlog na para sa pagpisa. Binawi ang ipinatupad na pagbabawal sa ilalim ng DA Memorandum Order No. 72, Series of 2025, matapos mag-ulat ang Japan ng pagkalat ng bird flu.
Kaugnay nito ipinatupad ang hakbang matapos opisyal na kumpirmahin ng Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries ng Japan na nalutas na ang outbreak at wala nang karagdagang kaso na naitala. Kinilala rin ng World Organisation for Animal Health ang Japan bilang malaya sa avian influenza alinsunod sa mga pamantayan nito sa kalusugan ng hayop.
Batay sa pagtaya ng panganib ng DA, itinuturing nang napakaliit ang posibilidad ng pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng mga inaangkat mula Japan, kaya maaari nang ipagpatuloy ang kalakalan.
Samantala sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na ang desisyon ay nagpapakita ng pamamaraang nakabase sa siyensa ng DA sa pamamagitan ng pagbabalanse ng food security at pangangalaga sa industriya ng livestock at poultry ng bansa.
“Hindi natin kailanman isasakripisyo ang kalusugan ng ating industriya ng manok, ngunit kinikilala rin natin ang kahalagahan ng pagpapanatiling bukas ng mga mapagkakatiwalaang supply channel kapag ipinapakita ng siyensya na epektibong nawala na ang panganib,” ani Tiu Laurel.
“Ang pagtanggal sa ban ay makatutulong sa seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagtiyak ng access sa de-kalidad na breeding materials, pagpapalakas sa competitiveness ng ating poultry sector, at pagpapakita na ang maayos na mga hakbang sa kalusugan ng hayop ay maaaring maprotektahan kapwa ang kalusugan ng publiko at produksyon sa agrikultura,” dagdag niya.
Ang muling pagbubukas ng imports para sa lokal na industriya ng manok qy mahalaga dahil nagsusuplay ang Japan ng de-kalidad na breeding stock at mga itlog na pampisa na tumutulong sa pagpapanatili ng lokal na produksyon at pagpapahusay ng genetics ng mga alagang manok. Ang pagbabalik ng mga import na ito ay maaaring makatulong na maibsan ang kakulangan sa suplay para sa mga commercial producer habang sinusuportahan ang pangmatagalang produktibidad. (Santi Celario)