MANILA, Philippines – Naghain si Senador Ping Lacson ng dalawang panukalang batas na magtataas sa compulsory retirement age ng mga uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP) mula 56 tungo sa 57 taong gulang.
Ayon kay Lacson, layunin ng Senate Bill Nos. 2395 at 2396 na mas mapakinabangan ang karanasan, kakayahan, at pamumuno ng mga senior officer at mabigyan sila ng mas mahabang panahon upang maipasa ang kanilang kaalaman sa mas nakababatang mga tauhan.
Sinabi rin niyang makatutulong ito upang magkaroon ng dagdag na panahon ang pamunuan ng PNP sa pagpapatupad ng mga reporma sa loob ng organisasyon. Ang mga panukala ay nakaayon din sa naunang pagtaas ng retirement age ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ilalim ng SB 2395, magiging 57 ang compulsory retirement age ng mga uniformed personnel ng PNP, ngunit ang mga may mas mababa sa isang taong serbisyo sa oras na maging epektibo ang batas ay maaaring pumiling magretiro sa edad na 56. Mananatili namang 56 ang compulsory retirement age ng kasalukuyang Chief PNP.
Sa SB 2396, isasama rin ang mga miyembro ng BJMP at BFP sa bagong retirement age na 57. Pinapayagan din sa panukala na manatili sa serbisyo nang hanggang isang taon ang ilang matataas na opisyal ng BJMP at BFP kung papayagan ng komisyon. RNT/MDS