Home NATIONWIDE Panukala para sa modernisasyon ng PH shipbuilding sector itinutulak ng MARINA

Panukala para sa modernisasyon ng PH shipbuilding sector itinutulak ng MARINA

MANILA, Philippines- Nanawagan sa mga mambabatas ang Maritime Industry Authority (MARINA) para sa pagpasa ng Shipbuilding and Ship Repair (SBSR) Development Bill na humihikayat ng maraming investment sa sektor.

Sinabi ni MARINA chief Sonia Malaluan nitong Biyernes na ang SBSR bill, bahagi ng mas malawak na Maritime Industry Development Plan (MIDP) 2028, ay magbibigay ng mas maraming insentibo sa sektor ng SBSR upang makaakit ng mas maraming pamumuhunan.

“We are actively seeking champions to ensure thisbill is certified as a priority by the President in the 20th Congress,” sabi ni Malaluan.

Ayon kay Malaluan, ang MIDP 2028 ay naglalayong gawing moderno at palawakin ang mga kakayahan ng  shipyards upang matugunan ang parehong lokal at internasyonal na mga pangangailangan sa transportasyon sa dagat habang lumilikha ng mas maraming trabaho at pagtaas ng mga pamumuhunan sa lokal na ekonomiya.

Ayon sa MARINA SBSR assessment report noong 2021, ang mga lokal na shipyard ay kasalukuyang nakagagawa ng mga barko para sa domestic use hanggang sa average na 1,000 gross tons.

Noong Abril, lumagda ng resolusyon ang 3rd National Shipyards Convention na nakatuon sa batas, pananaliksik at pagpapaunlad, kakayahan at pagpapaunlad ng kapasidad, at pag-unlad ng manggagawa sa sektor ng SBSR.

Bilang bahagi ng pagtulak nito para sa modernisasyon sa maritime sector ng bansa, ang MARINA ay nakipagtulungan sa Department of Science and Technology- Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development upang pangunahan ang bansa patungo sa mga bagong direksyon ng pananaliksik sa industriya ng maritime.

Ang partnership kamakailan ay humantong sa pagpapakita ng Safe, Efficient, and Sustainable Solar-Assisted Plug-In Electric Boat sa Manila Yacht Club noong Pebrero. Jocelyn Tabangcura-Domenden