Home NATIONWIDE Panukala sa regulasyon sa motorcycle taxis umarangkada sa Kamara

Panukala sa regulasyon sa motorcycle taxis umarangkada sa Kamara

MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukala na naglalayon ng regulasyon sa operasyon ng motorcycle taxis at motorcycle delivery services.

Sa ilalim ng Bill 10424, ang motorsiklong gagamitin para sa motorcycle-for-hire at magdadala ng mga pasahero o produkto ay dapat na irehistro sa Land Transportation Office, at sisiguruhin naman ng LTO ang roadworthiness ng mga ito bago irehistro.

Kabilang sa mga requirement para sa pagbibigay ng prangkisa o certificate of public convenience ay ang patunay na sila ay Filipino citizen, financial capacity, tax identification number o certificate of registration bilang common carrier, at insurance coverage para sa pagkasawi o pinsala sa katawan na matamo ng rider, pasahero o third party, o insidente ng pinsala sa ari-arian.

Ayon sa panukala, ang pamasahe, surcharges at iba pang transportation fees ay maaaring singilin ng operator para sa motorcycle-for-hire services na naaayon sa fare structure na tinukoy ng LTFRB, at may konsultasyon sa industry stakeholders.

“The fare structure shall take into consideration supply and demand components and shall allow dynamic pricing on account of market variations based on location and time,” saad pa sa panukala.

Sa oras na may masawi, masaktan o mapinsalang ari-arian, ang operator at motorcycle taxi platform provider o online e-commerce platform provider ay kapwa mananagot. RNT/JGC