MANILA, Philippines – IBINIDA ni Senate Majority Floor Leader Francis “Tol” Tolentino sa libo-libong kasapi ng Association of Nursing Service Administrators of the Philippines, Inc. (ANSAP) ang kanyang mga mahahalagang ginawa sa Senado sa loob ng isang linggo kung saan kabilang na dito ang kahilingan sa Department of Budget and Management (DBM) na magkaroon ng Sulu Transition Fund matapos ang inilabas na kautusan ng Supreme Court na hindi ito kabilang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang naturang pahayag ay sinabi ni Tolentino makaraang magsilbi itong pangunahing tagapagsalita sa huling araw ng ika-57 Mid-Year Convention ng ANSAP na ginanap sa Manila Hotel nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa senador, noon pang Setyembre 10 itinigil ng BARMM ang pagkakaloob ng sahod sa mga kawani ng pamahalaan ng Sulu, kabilang ang mga nurses, dahil ililipat muli sila sa Region-9 sa Zamboanga o Pagadian Cities kaya’t kinakailangan aniya maglaan ng pondo ang DBM upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng sahod sa mga kawani.
Kaugnay nito, hiniling din ni Sen. Tolentino sa chairman ng Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na payagan umano siyang maging sub-committee chairman upang matutukan ang kaniyang inihaing panukalang batas na makakatulong sa kapakanan ng mga nurse.
Giit pa ng senador, taon 2019 pa umano nito
inihain ang Senate Bill 1447 na ipapalit sa R.A. 9173 o ang Philippine Nursing Act, na naipasa noon pang 90’s at hindi na angkop sa kapakanan ng mga nurses sa bansa subalit dahil may kahirapan aniya ang naturang panukalang batas, kailangan na siya ang manguna sa paghimay nito upang mapabilis ang pagsusulong.
Nabatid pa kay Tolentino na sumulat na siya sa Chairman ng Committee on Government Reorganization para harapin ang panukalang batas sa nursing bilang sub-committee chair kung saan naghihintay na lamang umano ito ng kasagutan.
Aniya sakaling payagan ay mapapabilis umano ang panukalang batas na naglalayong tiyakin na ang mga Filipino nurse ay mabibigyan umano ng pagkilala, suporta, at pagkakataong nararapat sa kanila.
Umaasa si Tolentino na mabibigyan siya ng oportunidad na ipagkaloob sa kanya ang kahilingang maging sub-committee chairman upang maipasa ang panukala na tutugma sa kasalukuyang realidad ng kalagayang pangkalusugan at magpapalakas sa kapangyarihan ng mga nurses na palawakin ang mahalaga nilang papel lalu na sa implementasyon ng Universal Health Care Act. JR Reyes