Home NATIONWIDE Panukalang economic Cha-cha suportado pa rin ng mayorya ng Pinoy – sarbey

Panukalang economic Cha-cha suportado pa rin ng mayorya ng Pinoy – sarbey

MANILA, Philippines- Lumabas sa survey na isinagawa ng market research company na Tangere na tatlo sa limang Pilipino ang suportado pa rin ang mga panukalang amyendahan ang economic provisions ng 1987 Philippine Constitution.

Batay sa resulta ng survey, isinagawa mula Aug. 19 hanggang 20, 60.9 porsyento ng mga Pilipino ang suportado ang panukalang constitutional amendment, katulad ng naunang resulta noong nakaraang buwan na 60.6 porsyento.

Sa 60.9 ng mga Pilipinong sang-ayon, 25.3 porsyento ang “strongly agree” at 35.6 porsyento ang “somewhat agree” sa panukalang economic Charter change (Cha-cha).

Samantala, 17.2 porsyento ang hindi sang-ayon sa panukala (6.8 porsyentong strongly agree, 11 porsyentong somewhat disagree).

Nasa 21.9 porsyento naman ang “neutral” sa panukala.

Nang tanungin hinggil sa inaasahang benepisyo ng proposed economic Cha-cha, ang lima na nakakuha ng pinakamaraming boto ay ang mga sumusunod: “the creation of more jobs (72.5 percent), a decrease in the prices of goods and services (71 percent), higher economic growth (69.7 percent), increase in salaries and work benefits (69.5 percent), and improvement in the quality of jobs in the country (67 percent).”

Samantala, ang lumabas naman na perceived disadvantages ng proposed economic Cha-cha ay: “potential worsening of corruption (31.5 percent), increase in foreign competitors for local businesses (28 percent), and various national issues not being prioritized (25 percent).”

Isinagawa ang nasabing survey sa pamamagitan ng mobile-based respondent application na may sample size na 1,500 kalahok (+/- 2.5 porsyentong margin of error sa 95 porsyentong confidence level) gamit ang stratified random sampling o quota-based sampling method.

Nagmula ang mga kalahok sa iba’t ibang bahagi ng bansa: 12 porsyento mula sa Metro Manila, 23 porsyento mula sa Northern Luzon, 22 porsyento mula sa Southern Luzon, 20 porsyento mula sa Visayas, at 23 porsyento mula sa Mindanao. RNT/SA