Home NATIONWIDE Panukalang pag-amyenda ng RTL sisimulan na ng House plenary

Panukalang pag-amyenda ng RTL sisimulan na ng House plenary

MANILA, Philipines- Matapos maipasa sa committee level, agad na tatalakayin sa sesyon ng Kamara ngayong araw ang panukalang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong maibaba ang presyo ng bigas.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, target na maipasa sa ikalawang pagbasa sa darating na Miyerkules ang RTL at sa ikatlong pagbasa bago ang kanilang break sa Mayo 22.

Layon ng pag-amyenda sa RTL na mapababa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagbibigay muli ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng murang bigas sa merkado.

“We recognize the urgency of addressing the challenges faced by consumers due to high rice prices. Through these plenary debates, we are taking decisive action to bring about meaningful change and ease the financial strain on Filipino households,” pahayag ni Romualdez.

Base sa timeline ay inaasahan ang agad na pagsisimula ng debate sa House planary sa oras na iendorso na ng Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, ang pag-asa ng panukalang mag-aamyenda sa RTL.

Noong nakaraang Martes, inaprubahan ng komite ni Enverga ang pinal na bersyon ng House Bill (HB) Nos. 212, 405, 1562, 9030, 9547, at House Resolution (HR) No. 1614.

Layunin ng substitute bill na palakasin ang kompetisyon at kakayahan ng rice industry na matiyak na may mabibiling bigas ang mga Pilipino sa abot-kayang halaga.

Kasabay ng pag-apruba ng komite ay ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na isertipika bilang ‘urgent’ ang panukalang pag-amyenda ng RTL.

Hinahangad ni Speaker Romualdez na maisabatas ang amyenda sa RTL sa Hulyo, at maibaba ng hanggang P30 ang kilo ng bigas.

Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng P40-45 o higit pa sa P50 kada kilo ng bigas sa pamilihan. Gail Mendoza