Home NATIONWIDE Panukalang special powers kay PBBM sa fuel excise tax, umusad na sa...

Panukalang special powers kay PBBM sa fuel excise tax, umusad na sa Kamara

222
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House of Representatives nitong Miyerkules sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang suspendihin o bawasan ang excise tax sa langis sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.

Sa pamamagitan ng viva voce voting, ipinasa ng mga mambabatas ang House Bill No. 8418 na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo nang hanggang anim na buwan, kung lalampas sa US$80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan bago ipatupad ang suspensyon o pagbawas.

Nakasaad din sa panukala na mananatili lamang ang naturang kapangyarihan ng Pangulo hanggang Disyembre 31, 2028.

Ayon sa panukala, awtomatikong aalisin ang suspensyon o pagbawas ng excise tax kapag wala na ang mga kundisyong dahilan ng pagpapatupad nito. Awtomatiko ring ibabalik ang excise tax kapag natapos na ang itinakdang panahon ng suspensyon nang hindi na kinakailangan ng karagdagang aksyon mula sa ehekutibo o lehislatura.

Nauna nang nanawagan ang mga transport group na suspindihin ang excise tax habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis dulot ng tumitinding tensyon na kinasasangkutan ng Iran, United States, at Israel.

Nauna ring sinabi ng MalacaƱang na hihintayin muna ng Pangulo ang committee report hinggil sa panukala bago ito sertipikahang urgent.

Samantala, nakatakdang magsagawa ng pagdinig ngayong linggo ang Senate committees on ways and means at energy kaugnay ng hindi bababa sa limang panukalang batas na layong payagan ang Pangulo na suspindihin ang excise tax sa langis. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here