Home NATIONWIDE Panuntunan sa fuel subsidy inihahanda na

Panuntunan sa fuel subsidy inihahanda na

MANILA, Philippines – Naghahanda na ang pamahalaan ng panuntunan sa distribusyon ng fuel subsidy sa mga sektor na lubhang maaapektuhan ng pagkaantala ng suplay ng krudo dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, naglaan ng P2.5 bilyon ang pamahalaan para sa fuel subsidies.

“May tulong na galing sa gobyerno. Nakaauthorize na ‘yan, pineprepare na yung guidelines para makuha nila agad-agad. P2.5 billion ang available sa atin ngayon. Malaki-laki ang hawak natin. Matatanggap nila yan,” aniya.

”Nananawagan ako sa mga operator natin, mga transport group, huwag naman [magprotesta]. May tutulong na parating, inutos ng Pangulo natin na immediately, ilabas ang fuel subsidy,” dagdag pa ni Dizon.

Noong Miyerkules, siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay ng fuel subsidy kasabay ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa susunod na linggo ay posibleng tumaas ito sa P2.50 hanggang P4.80, ayon sa pagtaya ng Department of Energy. RNT/JGC