MANILA, Philippines – Natangay ng mga kawatan ang nasa P10 milyong halaga ng high-end security camera at iba pang tech products na ipadadala sana sa Makati City mula Quezon City gamit ang isang online truck delivery app.
Sa ulat, nadiskubre ang mga gadget na napadpad sa Cavite.
Ayon sa ulat, dinatnan ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team ang kahon-kahong gadgets matapos na pasukin ng mga ito ang isang bahay sa Imus, Cavite.
May nadiskubre ring mga kaparehong gamit sa Kawit, Cavite.
Dito umano itinambak ng mga suspek ang mga gadget matapos nila itong tangayin sa isang supplier.
“Around one hour na nakita ng victim na parang hindi na gumagalaw ‘yung icon, tinawagan nila ‘yung delivery vehicle, ang sabi lang initially ay may binaba din na ibang gamit at may nagbook din, may sinabay. But lumipas na ‘yung dalawang oras, hindi pa rin nakarating doon sa Makati,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Crisostomo Ubac, hepe ng QCDACT, sa panayam ng GMA News.
Hindi na umano nakarating sa Makati ang mga produkto hanggang sa makatanggap ang nabiktimang supplier na nangingikil ng pera ang mga suspek kapalit ng pagbalik ng mga ninakaw na gadget.
“Nagde-demand na ng magpadala ng P5,000 initially para maibigay sa kanila o mai-deliver ‘yung items and then pataas nang pataas ‘yung amount,” ani Ubac.
Matapos i-trace ng pulisya ang profile ng may-ari ng na-book na delivery vehicle ng supplier, natuklasang na-hack ang kaniyang account at hindi na siya ang may hawak noon.
Samantala, sa backtracking ng pulisya kung saan dinala ang mga gadget, narekober ang mga ito makalipas ang isa’t kalahating araw ngunit wala nang laman ang ilang kahon at nakalikot na rin ang ibang produkto.
“Only about 60% ang na-recover. So about roughly 40% ng goods ay hindi na. I think na-dispose na ng mga grupong ito,” sinabi ni Ubac.
Arestado ang dalawang lalaki na nakatira sa bahay kung saan itinambak ang mga nakaw na gadget.
“Mayroon pong taong nagdala po sa bahay namin tapos nakilagay po. Sabi niya sa lolo raw po niya. Hindi po ako ang nagnakaw ng item na iyan,” sabi ng isa sa mga suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act, robbery extortion, at theft sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.
Patuloy na inaalam ng kapulisan kung sino-sino ang mga kasabwat at kung bahagi sila ng mas malaking grupong tirador ng mga gamit na ipinade-deliver gamit ang mga online app. RNT/JGC