MANILA, Philippines – Pinarangalan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa GovMedia Awards 2025 sa Singapore matapos kilalanin ang dalawang digital innovations ng ahensya bilang pinakamahusay na proyekto sa larangan ng e-governance sa buong Asya.
Ginawaran ng Digital Transformation of the Year ang eGovDX platform, habang nakuha naman ng eGovPH Super App ang E-Governance Project of the Year sa ginanap na seremonya sa Marina Bay Sands sa Singapore noong Huwebes.
Ayon kay DICT Secretary Henry Rhoel Aguda, ang pagkilalang ito ay bunga ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing simple at mabilis ang serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng digitalisasyon.
“These projects stem from President Ferdinand R. Marcos Jr.’s marching order to streamline government services by automating essential processes… They manifest our people’s world-class talent… It is a testament to Filipinos’ sheer ingenuity,” ani Aguda sa isang pahayag.
Ang eGovDX ay nagsisilbing integrated platform na nag-uugnay sa iba’t ibang sistema ng gobyerno upang ligtas na makapagbahagi ng datos. Umabot na sa 480 milyong transaksyon ang naitala mula sa 1,000 government systems sa ilalim ng programang ito.
Samantala, ang eGovPH Super App ay isang digital one-stop platform kung saan maaaring ma-access ng publiko ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno saan man sila naroroon at kailan man nila ito kailangan.
“Our efforts are meant to curb red tape, avoid delays and make services easily accessible to our kababayan in the digital age,” ani Aguda.
“Hindi na pipila ng mahaba, hindi na ma-iinitan. Kahit nasa bahay, pagseserbisyohan ka ng gobyerno.”
Binigyang-diin din ng kalihim na ang pagpapalawak ng digital platforms at connectivity ay mahalaga upang mapalapit ang gobyerno sa mga mamamayan, lalo na sa mga malalayong lugar.
“This is the essence of Digital Bayanihan. Under President Marcos’ Bagong Pilipinas, the DICT is committed to giving access to government services, opportunity and education, ensuring no Filipino is left behind,” dagdag ni Aguda.
Bukod sa DICT, kinilala rin ang Department of Migrant Workers para sa Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons (AIRTIP) bilang Campaign of the Year sa Labor Category, at ang OFW Hospital sa Pampanga bilang Public Facility of the Year sa Health Category. RNT/JGC